Sa kulungan ang bagsak ng isang driver na na-hire sa social media matapos siyang magnakaw ng P100 milyon halaga ng ari-arian ng kaniyang among Korean sa Muntinlupa.

Sa ulat ng GMA News Feed, kinilala ang suspek na si Meynard Soler, na dinakip sa follow-up operation ng pulisya.

Ayon sa biktima, na-hire niya si Soler bilang driver sapamamagitan ng Facebook.

Ngunit napag-alaman ng mga awtoridad na may dati na palang record ng kasong pagnanakaw ang driver.

Ayon kay Police Colonel Angel Garcillano, hepe ng Muntinlupa Police, mayroon nang existing warrant of arrest for theft na ginawa sa Pasay ang suspek.

Nasapul sa CCTV sa bahay ng biktima ang pag-alis ni Soler sa bahay ng kaniyang amo na may dalang bag, na naglalaman na pala ng mga ninakaw niyang ari-arian.

Tinangay din ng suspek ang SUV ng biktima.

Kasama sa tinangay ng suspek ang isang relo na nagkakahalaga ng P30 milyon, at limang baraha na gawa sa ginto na may halagang P10 milyon.

Nabawi rin ang mga dragon figurine at iba pang alahas na nasa P2 milyon ang presyo bawat isa.

Nagkakahalaga naman ng P16 milyon ang SUV na minaneho ng suspek na natagpuan sa Quezon City kalaunan.

Nang maaresto, iginiit ni Soler na hindi siya nagnakaw.

Kalaunan, siya rin ang nagturo sa mga sanglaan na pinadalahan niya sa mga nakuhang mamahaling gamit.

Nahaharap ang suspek sa kasong qualified theft.

Paalala ng pulisya na maging maingat sa pagkuha ng mga empleyado. —LBG, GMA Integrated News