Nakita sa isang bahay sa Naguilian Road, Baguio City ang mga hinihinalang shabu na nasa pakete ng tsaa na tinatayang P4 bilyon ang halaga. Ang droga, pinaniniwalaang galing sa Metro Manila.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing isang Chinese national ang naaresto sa isinagawang operasyon.
Tinatayang nasa 570 kilogram ang kabuuang bigat ng nasabat na mga ilegal na droga, ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.
Ayon kay Major General Jonnel Estomo, Philippine National Police (PNP) deputy chief for operations, unang namanmanan ang mga ilegal na droga sa Metro Manila pero biglang inalis bago pa man maisagawa ang pagsalakay.
Matapos ang tatlong linggo, nalaman na ng mga awtoridad na inilipat ang mga droga sa Baguio.
Sinabi naman ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) director general Moro Lazo, na malaking kabawasan sa suplay ng ilegal na droga ang matagumpay na operasyon.
Pinuri naman ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang matagumpay na pagkakabisto sa ilegal na droga.—FRJ, GMA Integrated News