Arestado ang isang lalaki matapos siyang magpanggap na konektado sa Bids and Awards Committee (BAC) ng Makati City Hall at tumanggap ng libo-libong pera mula sa isang katransaksyon bilang bayad sa kontrata.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing isinagawa ang entrapment operation sa isang coffee shop sa Brgy. Magallanes laban sa suspek.

Dinakip ng pulisya ang suspek matapos nitong tanggapin ang P600,000 mula sa katransaksiyon.

Para dapat sa isang kontrata na nagkakahalaga ng P1 milyon ang bayad, matapos magpakilala ang suspek sa biktima na konektado siya sa Bids and Awards Committee (BAC) ng Makati City Hall.

Ngunit nagtaka na ang biktima na hindi sa city hall isasagawa ang transaksyon.

Dagdag ng pulisya, natuklasan din ng biktima na ginagamit ng suspek ang logo ng Makati City, at hindi ito konektado sa BAC.

Video time stamp (starts at 22:48 )

Nakuha ng pulisya ang loan agreement sa pagitan ng suspek at ng biktima, at ang mga dokumento na may heading o logo ng City of Makati BAC.

Tumangging humarap sa media ang suspek, na nahaharap sa kasong swindling at falsification by private individual and use of falsified documents. —LBG, GMA Integrated News