Arestado ang isang lalaki matapos niyang nakawin umano ang aabot sa P15,000 halaga ng benta ng sari-sari store na pagmamay-ari ng isang pulis sa Brgy. Obrero, Quezon City.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkoles, makikita sa kuha ng CCTV dakong 10 a.m. ng Martes ang suspek na si Rosenrex Cruz na nakahubad at palakad-lakad.
Ilang saglit pa, pumasok siya sa isang compound na may tindahan. Maya-maya pa, lumabas siya at nagtungo naman sa kabila.
Bumalik ang lalaki sa compound saka muling lumabas. May kinausap pa siya sa katapat na bahay bago naglakad palayo.
Ninakaw na pala ni Cruz ang apat na araw na benta ng tindahan na pagmamay-ari ng isang pulis na si Junnius Mojica.
Nang suriin ang CCTV ng barangay, nakita na tanging si Cruz lang ang pumasok sa tindahan. Agad siyang natunton at dinakip ng pulisya.
“Tinatanggap ko naman po ang kamalian ko eh, ginawa ko po ‘yun. Hiyang-hiya nga rin po ako sa tao. Nagipit lang po ako kasi walang pangkain ‘yung mga anak ko kaya nagawa ko ‘yun. Wala rin po akong trabaho,” sabi ni Cruz.
Ayon kay Cruz, nakabukas ang pinto noon ng compound ngunit kalahati lamang ng kaniyang katawan ipinasok niya. Pero depensa niya, hindi P15,000 ang kaniyang kinuha kundi P700 lamang.
“Pinasok niya ‘yung bahay ko, makikita niyo, isang minuto. Isang minuto na ganu’n P700 ang makukuha mo? P700, benta ng tindahan, meron bang ganu’n? Commonsense naman,” sabi ni Mojica.
Dati nang may mga kaparehong kaso si Cruz, ayon sa QCPD Station 10. —LBG, GMA Integrated News