Arestado ang isang mag-live in partner sa San Antonio, Parañaque City, matapos nilang kubrehan ng pera at ibudol umano ang isang menor de edad na bumili sa kanila ng cellphone online.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes, mapapanood sa video ng PNP-Eastern District Anti-Cybercrime Team ang pagdakip kay Jay Bacudo, isang rider na kumukubra noon ng digital money mula sa isang online transaction.
Nagmula umano ang pera sa isang menor de edad, na binudol o na-“ghost” ng isang online seller.
Bago nito, binentahan ng suspek ang menor de edad ng cellphone sa halagang P15,000. Humingi muna ang seller ng P2,000 na downpayment sa pamamagitan ng e-wallet, at sinundan niya ito ng paghingi ng P8,000.
Matapos nito, hindi na nagparamdam sa biktima ang online seller.
Hindi nangyari ang delivery ng cellphone noong Marso 22. Nang i-contact ng biktima ang suspek, sumagot ang suspek na kailangan niyang magdagdag ng karagdagang P8,000 para sa iPhone, ayon kay Police Captain Michelle Sabino, spokesperson ng PNP-EDACT.
Muling nagpadala ang biktima ng P8,000 pero sa pagkakataong ito, binlock na siya ng suspek.
Nagsumbong na ang biktima sa pulisya nang pilitin ng salarin na mag-ikatlong padala para sa P5,000 remaining balance.
Bukod sa suspek, arestado rin ang live-in partner nitong si Joan Bilando na kasama niya ring kumubra. Pero ayon sa kanila, napag-utusan lang sila ng online seller para kumuha ng bayad, pero hindi sila ang mismong nagbebenta.
Gayunman, desididong magsampa ng kaso ang ina ng biktima laban sa mga suspek.
Iniimbestigahan na ng PNP-EDACT kung gumagamit ang mga suspek ng mga na-hack na social media account para manlinlang ng mga online buyer. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News
