Limang lalaki ang arestado matapos umanong mabuko ang kanilang laglag-barya modus sa Maynila, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes.
Sa kuha ng CCTV, makikita kung paano pinalibutan ng mga pulis ang isang UV Express sa Taft Avenue para arestuhin ang mga suspek.
Bago raw naaresto, nakapambiktima ang mga suspek ng mga pasahero ng isang jeep at UV Express sa Maynila.
"Meron po silang nabiktima na dalawa, sila 'yung humingi ng saklolo doon sa mga pulis natin na nandoon sa lansangan," ani Police Lieutenant Colonel Salvador Tangdol, hepe ng Malate Police Station.
Ayon sa mga biktima, nagpaabot ng bayad ang mga suspek sa kanila para malihis ang kanilang atensiyon.
"Nilaglagan sila ng barya, ng coins, tapos nung pinulot niya 'yung coins na nilaglag ng mga suspek, doon niya nahalata na wala na 'yung gamit niya," sabi ni Tangdol.
"Hindi niya agad na-pinpoint kung sino gumawa so bumaba siya at nagsumbong sa mga pulis na nagba-bike patrol," dagdag pa niya.
Kinilala ang mga suspek na sina Harold Royola, Ian Manalang, Pepito Villanueva Jr., Irineo Gonzales at Renan Encarnacion. Positibo silang kinilala ng mga biktima.
Napag-alaman ding dati nang nakulong ang mga suspek dahil sa kasong pagnanakaw. Ang ilan may kaso ring may kinalaman sa droga at illegal possession of firearms.
Aminado naman ang mga suspek sa modus. Anila, kahirapan ang nagtulak sa kanila para gawin ito. Sa kabila nito, desidido pa rin ang mga biktima na magsampa ng reklamo.
Nakuha mula sa mga suspek ang wallet, cellphone at cash na P1,400. —KBK, GMA Integrated News