Pinasisibak sa serbisyo ang isang police official na tinakbuhan umano ang nabangga niyang tricycle driver na namatay kalaunan. Damay din ang ilan pang pulis na tumulong umano para ilihis ang imbestigasyon upang protektahan ang opisyal, ayon sa report ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras."
Agosto 6, 2022 nang mabangga ang tricycle na minamaneho ni Joel Laroa ng isang pick-up truck na nag-overtake at nang-agaw ng linya ng kalsada sa Anonas Street sa Quezon City.
Sugatan noon si Laroa pero nasawi rin kinalaunan dahil inabot umano ng isang oras bago siya nadala sa ospital.
Ang drayber ng pick-up truck ay nakilalang si Police Lieutenant Colonel Mark Julio Abong, na hepe noon ng Criminal Investigation and Detection Unit o CIDU ng Quezon City Police. Pero itinanggi niya noon ang paratang na siya ang nagmamaneho ng naturang sasakyan.
Pitong buwan matapos ang insidente, hinatulan ng People's Law Enforcement Board o PLEB ng "guilty" si Abong para sa mga patong-patong na kasong grave misconduct, grave neglect of duty at conduct unbecoming of a police officer with the aggravating circumstance of employment of fraudulent means to conceal an offense.
"Overwhelming circumstancial evidence meron dito, wala na kaming iba pang kongklusyon kung hindi si Mark Julio Abong ang siyang nakasagasa kay Joel Laroa nung Aug 6, 2022 sa Anonas," ayon kay Atty. Rafael Calinisan, PLEB chairman.
Dahil dito pinasisibak na rin si Abong sa serbisyo.
Ayon sa sertipikasyon na pirmado ni PNP Chief Rodolfo Azurin, si Abong ay dinala ng QCPD Mobile sa PNP Health Service para magpagamot ng sugat at lumalabas ding lasing siya nung araw na maganap ang insidente.
Sina Police Colonel Barredo at Police Corporal Vicente, na rumesponde sa lugar ng insidente pero hindi raw hinuli ang suspek, at hindi rin dinala sa ospital ang mga biktima, ay hinatulan na guilty of grave neglect of duty.
Guilty of grave misconduct naman ang hatol kay Police Senior Master Sergeant Jose Soriano dahil sa paglihis umano sa takbo ng imbestigasyon para mailayo kay Abong ang pagkakasala.
Pinarusahan ang tatlo ng anim na buwang suspensiyon.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag nina Abong, Barredo, Vicente, at Soriano, ayon sa ulat.
Pero sa kanilang depensa sa pagdinig ng PLEB, iginiit ni Abong na wala siyang personal na nalalaman sa insidente at malisyoso at wala raw basehan ang mga paratang.
Sina Barredo at Vicente, sinabing hindi sakop ng kanilang Area of Responsibility ang pinangyarihan ng insidente at nakabase lang daw sa sabi-sabi ang paratang laban sa kanila.
Sabi naman ni Soriano, wala siyang alam sa insidente at tama lamang ang aksyon niya nang magpatulong ang mga kapatid ni Laroa sa kaniya.
Mali raw ang PLEB dahil hindi pa nagsasagawa ng pre-charge invstigation bago kasuhan ang mga pulis.
Pero, giit ng PLEB, hindi kailangan ang pre-charge investigation bago ang paghahain ng kaso.
Ipapatupad naman daw ng PNP ang desisyon ng PLEB.
"This is again a wake up call for other PNP officer na hindi pupuwedeng gamitin ang inyong ranggo, ang inyong uniporme para pagtaguan ang isang kaso," sabi ni Police Colonel Jean Fajardo, PNP spokesperson. -- BAP/FRJ, GMA Integrated News