Nakumpleto ng isang Pinoy ang pagbiyahe sa lahat ng 1,634 mga bayan at lungsod sa Pilipinas, matapos huling mabisita ang Pag-asa Island sa Kalayaan Island Group ng Palawan.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing nalibot na ni Marco Puzon ang buong Pilipinas matapos ang isang dekada.
Nagsimula siya noong 2013 matapos mawalan ng trabaho.
Pumipirma si Puzon sa mga logbook ng bayan o siyudad na kaniyang binibisita para opisyal na mamarkahan ang kaniyang mga trip.
“Hindi lahat nakaka log pero most of them naman, pumupunta talaga ako sa munisipyo, nagpi-picture ako doon,” sabi ni Puzon.
Kaya naman naging emosyonal siya nang makumpleto na ang lahat ng bayan at lungsod sa Pilipinas sa kaniyang pagbisita sa Kalayaan Islands.
"Ten years. Natapos ko na ang Pilipinas, all 1,634 municipalities, ten years!” sabi ni Puzon.
Mahigpit namang binabantayan ng mga sundalo ang Kalayaan Group of Islands dahil sa presensya ng mga puwersang Tsino.
"When I wrote to them back in 2019, kailangan daw ng clearance sa local government unit, Department of the Interior and Local Government, and then military so parang anlabo talaga niya. May time na sige, tanggap ko na kung hindi ko mapupuntahan ang Kalayaan,” kuwento niya matapos ang “The Great Kalayaan Expedition."
Kahit na ang Kalayaan Group of Islands ang pinakamahirap na puntahan, hindi niya ito kinumpara sa ibang bayan na kaniyang nabisita.
"Whenever I go to a place, I empty my mind and see what is there, I’ll try to see anong meron doon na common sa lahat or sabihin nating different sa lahat and I treat it as special,” sabi ni Puzon.
Matapos makilala bilang unang Pilipino na nalibot ang lahat ng mga lungsod at bayan sa bansa, plano ni Puzon na magsulat ng aklat tungkol sa kaniyang biyahe at mga karanasan.
“It’s actually challenging people na nabisita niyo ba ang inyong home province? Baka isa lang na town, dalawang town. So maganda siya to start in your home province,” sabi niya. — VBL, GMA Integrated News