Nasa 20 kabahayan ang natupok ng apoy matapos magkasunog sa Barangay Kalawaan, Pasig City nitong Huwebes ng umaga.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita, sinabing sumiklab ang sunog sa Sikap Compound pasado 4 a.m., na ikinagulat ng mga residente dahil mahimbing ang kanilang tulog at bigla na lamang nagkaroon ng mga pagputok.
Mabilis din ang naging paggapang ng apoy dahil magkakalapit at gawa sa light materials ang mga bahay.
Pahirapan din ang pagpasok ng mga bumbero dahil may isinasagawang road repair sa lugar, bukod sa masikip ang access point.
Maagap naman ang bayanihan ng mga residente, at listo ang pagpapasa-pasahan nila ng mga timba ng tubig.
Walang naitalang namatay sa sunog pero sinabi ng Bureau of Fire Protection (BFP) na may tatlong sugatan, isang nagkaroon ng abrasion, isang may laceration at isa ang may burn.
Idineklara ang fire out ng 5:42 a.m. ayon sa BFP.
Magsasagawa ng imbestigasyon sa sanhi ng sunog, at ang halaga ng pinsala nito. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News