Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaking rider matapos siyang manutok umano ng baril sa isang traffic enforcer sa Makati City. Nabisto rin ang suspek na may ilegal na droga.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nanutok ng baril sa isang traffic enforcer ang rider na si Alfred Labrador matapos siyang sitahin dahil sa violation ng beating the red light sa bahagi ng J. P. Rizal Avenue.
Nakorner si Labrador sa Mangga Street, Barangay Rizal sa lungsod.
Nakuha sa suspek ang isang caliber .45 na isang loose firearm at tampered ang serial number.
Tumambad ang shabu na may timbang na 120 gramo na tinatayang mahigit P800,000 ang halaga sa kaniyang motorsiklo.
Nakitaan din ang suspek ng kush o high-grade marijuana na mahigit 25 gramo ang timbang at may street value na mahigit P36,000.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na ibinigay ng isang kaibigan kay Labrador ang baril para sa kaniyang proteksyon.
Wala rin umanong alam ang suspek na droga ang laman ng kaniyang package na ide-deliver sana niya.
Nahaharap si Labrador sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at illegal possession of firearms. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News