Isang pulis na nangingikil umano ng kaniyang mga kabaro kapalit ng pagre-reassign sa trabaho ang dinakip sa kaniya mismong opisina sa Makati City Central Police Station.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, kinilala ang suspek na si Police Corporal Michelle Ann Repolles.
Ayon kay Repolles, kaya niyang maglipat ng sinumang pulis na gustong magpa-reassign ng lokasyon o unit dahil may koneksyon siya umano sa Directorate for Personnel and Records Management.
Pero kapalit nito ang paniningil niya ng P30,000 sa mga kapwa pulis.
Ayon kay Police Brigadier General Warren de Leon, hepe ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group, isang operatiba ang nakipagtransaksyon kay Repolles.
Nang maisagawa na ang bigayan ng pera sa pamamagitan ng money application, dinakip na ang suspek.
Sa ngayon, may tatlong complainant ang lumalapit laban kay Repolles.
Paalala ni de Leon, walang bayad ang pagre-reassign kundi nangangailangan lamang ng endorsement mula sa kaniyang hepe at pakikipag-ugnayan kung maaari siyang tanggapin sa kaniyang lilipatan.
Hindi humarap sa GMA Integrated News si Repolles, na nahaharap sa reklamong robbery-extortion at reklamong administratibo na puwede niyang ikatanggal sa trabaho kung mapatutunayan. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News