Ilang pasahero na umano ang naiwanan ng eroplano na kanilang sasakyan pa-abroad dahil sa mabusising pagtatanong ng Bureau of Immigration (BI) kahit pa sa tingin nila ay hindi naman kailangan gaya ng paghahanap umano ng diploma at yearbook na patunay ng kanilang pagtatapos.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing isa sa mga naiwan ng eroplano dahil sa mahabang pagtatanong umano ng BI personnel si Cham Tanteras.
Nangyari ang insidente noong Disyembre at patungo noon si Tanteras sa Israel para mamasyal.
Sa pagtatanong umano ng immigration officer, hinanapan pa raw si Tanteras ng yearbook.
“Hindi naman ako magdadala ng yearbook while traveling, kahit saan pa. Sabi niya [immigration officer), ‘if you didn't bring your yearbook, do you have your graduation photo with you?,’” kuwento ni Tanteras.
Matapos sumailalim sa mahabang tanungan sa secondary inspection ng BI, pinayagan na raw si Tanteras na bumiyahe pero naiwanan na siya ng eroplano.
Dahil sa nangyari, napilitang mag-book muli si Tanteras ng eroplano na dagdag sa kaniyang gastos.
“We apologize for the inconvenience this may have caused the Filipina passenger and other Filipino passengers,” sabi ng BI sa kanilang pahayag sa kaso ni Tanteras.
Nagsagawa raw ng imbestigasyon ng BI sa nangyaring insidente at inilipat ng puwesto ang tauhan na nagtanong kay Tanteras ng yearbook.
Pero noong Enero, nangyari din ang katulad na insidente kay "Rie," para din magbakasyon sa Taiwan.
Nang malaman umano ng immigration officer na nagtrabaho siya dati sa Dubai, dinagsa na siya ng tanong tungkol sa pagiging overseas Filipino worker (OFW).
Sumailalim din siya sa secondary inspection gaya nang pinagdaanan ni Tanteras.
“Sobrang haba na ng pila, kasi marami nang Pilipino na for the second interview. Sabi ko hala ma’am 10 na, 10:30 po yung boarding ko. ‘Ay pasensiya na may pila tayo pang number 7 ka,’” ani Rie.
Matapos ang tinatayang isang oras at kalahati, pinayagan din si Rie na umalis pero naiwan na rin siya ng kaniyang eroplano.
Gaya ni Tanteras, nadagdagan din ang gastos ni Rie na muling nagpa-book ng kaniyang biyahe para matuloy ang inaasam na bakasyon.
Sinampahan ni Rie ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang dalawang immigration officers dahil sa umano'y "grave abuse of authority, oppression, and conduct prejudicial to the best interest of the service."
Wala pang pahayag ang BI sa kaso ni Rie.
Gayunman, idinepensa ng BI ang mahipit nilang pagsusuri sa mga lalabas ng bansa dahil sa mga kaso ng human trafficking and illegal recruitment.
“The landscape now of human trafficking is very different from what it was before. Nare-recruit po ngayon ay yung mga professionals na may magagandang trabaho dito sa Pilipinas, came from good families with good backgrounds and are graduates of big schools,” sabi ni BI spokesperson Dana Sandoval.
Batay sa datos ng BI, may 50,509 Filipino na bibiyahe ang hindi natuloy sa pag-alis noong 2022.
Sa naturang bilang nasa 26,000 ang kulang ang dokumento, at 392 ang posibleng kaso ng human trafficking.
Ayon sa BI, dapat dala ng mga bibiyahe ang kanilang passport, visa kung kailangan, roundtrip ticket, at mga supporting document.
Kung makikitaan umano ng inconsistencies sa mga sagot ang pasahero, isasalang sila sa second interview.
Pero paglilinaw ng BI, hindi dapat magresulta ng pagkakaiwan sa biyahe ang mabusising pagtatanong ng kanilang tauhan sa pasahero. — FRJ, GMA Integrated News