May aasahan na tapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga motorista sa susunod na linggo.
Base sa galaw ng merkado sa nakalipas na apat na araw (March 13 to 16), sinabi ng oil industry source sa GMA News Online na posibleng nasa P1.70 hanggang P1.90 per liter ang mabawas sa presyo ng diesel.
Habang P1.00 hanggang P1.20 per liter naman ang maaaring maging rollback sa presyo ng gasolina.
Nitong nakaraang Martes, March 15, karampot na 10 sentimos bawat litro ang natapyas sa diesel, habang P1 per liter ang inangat ng presyo ng gasolina.
Tuwing Lunes karaniwang inaanunsyo ng mga oil industry player ang galaw ng mga produktong petrolyo at ipinatutupad ng Martes.
Sa taong ito, P6.70 per liter na ang kabuuang itinaas ng presyo ng gasolina, habang nagkaroon ng net decrease na P1.00 per liter ang diesel at P1.65 per liter naman sa kerosene. --FRJ, GMA Integrated News