Nagbabala ang mga eksperto sa tumataas na bilang ng mga Pinoy may problema sa bato o kidney. Iginiit nila ang kahalagahan ng pagpapasuri at healthy lifestyle para makaiwas sa nakamamatay na sakit.
Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing mahigit pitong milyong Filipino na ang mayroong chronic kidney disease o CKD.
“We have seen a significant increase of chronic kidney disease being one of the top 5 causes of death of Filipinos,” ayon kay Dr. Vimar Luz, Board Member, Philippine Society of Nephrology.
Ayon sa ulat, marami sa mga Pinoy ang hindi batid na may problema sila sa bato dahil hindi nagpapa-check-up.
Sinabi ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI), na maraming pasyente ang renal failure na ang sitwasyon kapag dinala sa ospital.
“These are lifestyle diseases, sa ating pagkain, too much carbohydrates, sugar, diabetes 'yun, hypertension, cholesterol, triglycerides, 'yung mga taba sa pagkain. At around 50 to 70 years old, marami na tayong sakit dahil sa poor eating habits,” paliwanag ni NKTI Executive Director, Dr. Rose Marie Rosete-Liquete.
Tulad ng ibang karamdaman, maiiwasan ang kidney disease sa pamamagitan ng healthy lifestyle, maayos na pagkain at regular check-ups.
“Sa kabataan pa lamang, dapat ay nagkakaron na dapat ng mga test, urinalysis ang isa sa mga pinaka-basic. Palagay ko yan ang importante nating malaman, nang maagapan. Karamihan diyan yung namamaga ang kidney sa mga bata, ‘pag medyo teenager na sila, or 20’s 30’s chronic glomerulonephritis na yon, yung namamaga ang kidney,” paliwanag ni Dr. Liquete. --FRJ, GMA Integrated News