Hiniling ni Negros Oriental Representative Arnie Teves sa liderato ng Kamara de Representantes na payagan siyang mag-leave of absence ng dalawang buwan dahil umano sa "very grave threat" sa kaniyang buhay at kaniyang pamilya.
Nadadawit ang pangalan ni Teves sa nangyaring pamamaril sa bahay ni Negros Oriental governor Roel Degamo. Nasawi si Degamo, at walong iba pa, at 17 ang nasugatan.
“The undersigned, Representative of the Third District of Negros Oriental, humbly plea and request that he be granted a two-month leave of absence due to very grave security threat to his life and his family, to be reckoned from March 9, 2023,” sabi ni Teves sa sulat na ipinadala sa tanggapan ni Speaker Martin Romualdez ng Leyte.
“Rest assured that he will come back as soon as the threat will be dealt with accordingly under our law laws, and with the aid of the government. Thank you for your kind attention,” patuloy ng kongresista.
May petsang Marso 9 ang sulat, na kaparehong araw nang sabihin ng House ethics and privileges committee na dapat ipaliwanag ni Teves sa loob ng limang araw kung bakit hindi siya dumadalo sa sesyon ng kapulungan.
Lumabas ng bansa si Teves para umano magpagamot sa Amerika. Pero hanggang Marso 9 lang ang bisa ng kaniyang travel authority na inisyu ng liderato ng Kamara.
"We want to consider his side, give him an opportunity to explain. So that the public will know that hindi tayo nagpabaya while we consider our colleague," sabi ni Coop-NATCCO party-list Representative Felimon Espares, chairperson ng komite.
"This is to help our institution [na] hindi naman masira. We are always protecting the institution," dagdag ni Espares.
Nauna nang hinikayat ni Romualdez si Teves na umuwi na at sagutin ang mga alegasyon laban sa kaniya.
Itinanggi ni Teves na may kinalaman siya sa pagpatay kay Degamo at sa ibang krimen na ibinibintang sa kaniya. — FRJ, GMA Integrated News