Nagulantang ang mga mamamayan sa Freudenberg, Germany nang matagpuan sa kakahuyang lugar ang bangkay ng nawawalang 12-anyos na babae, at may mga saksak sa katawan. Dalawang babae na parehong menor de edad ang itinuturing may gawa ng krimen.

Sa ulat ng Reuters, sinabing nitong Linggo nakita ang bangkay ng biktima na tinawag lang sa pangalang "Luise."

Naalarma ang kaniyang mga magulang nang hindi nakauwi ang kanilang anak noong Sabado matapos umalis ng bahay para puntahan ang kaibigan.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sinabi ni prosecutor Mario Mannweiler na nagtamo ng mga saksak ang biktima. Pero hindi pa nakikita ang patalim na ginamit sa krimen.

"We believe that this crime was committed by two children," ani Mannweiler, na edad 12 at 13 umano ang mga pinaghihinalaang nasa likod ng krimen.

Nasa pangangalaga ng youth office ang dalawang menor de edad dahil hindi pa sila sakop ng criminal law ng Germany na edad 14 pataas.

Ayon kay Mannweiler, walang ibang ebidensiya na magpapahiwatig na may iba pang sangkot sa krimen o kung pinagsamantalahan ang biktima.

Naka-half mast ang mga watawat sa nasabing bayan dahil sa nangyaring krimen.— Reuters/FRJ, GMA Integrated News