Sinabi ni Speaker Martin Romualdez na tumanggi umano sa ngayon si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves na umuwi sa bansa dahil sa pangamba sa kaniyang kaligtasan at ng kaniyang pamilya.
Nadadawit ang pangalan ni Teves sa nangyaring pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo, at sa iba ng insidente ng krimen sa lalawigan.
“Cong Arnie Teves got in touch with me through a phone call last night from an undetermined location," ani Romualdez.
"He expressed fear for the safety of his person and his family, saying this is the reason why he refuses to return home at this time,” dagdag ng lider ng Kamara de Representantes.
Nadadawit ang pangalan ni Teves sa nangyaring pagpatay kay Degamo na kalaban ng kaniyang pamilya sa pulitika.
Sinalakay ng mga armadong lalaki noong Marso 4 ang bahay ni Degamo. Bukod sa gobernador, may walong iba pa ang nasawi, at 17 ang sugatan.
Kamakailan lang, sinampahan si Teves ng reklamong four counts of murder sa Department of Justice, kaugnay sa hiwalay na insidente ng patayan na nangyari noong 2019.
Ayon kay Romualdez, tiniyak niya kay Teves na pangangalagaan niya ang kaligtasan nito kapag bumalik ng bansa.
Nauna na niyang hinikayat ang kongresista na umuwi na at sagutin ang mga alegasyon na ibinabato sa kaniya.
“I assured him that the Speaker, as the political and administrative leader of the House of Representatives, will exert all efforts to ensure the personal safety of all Members," sabi ni Romualdez.
"I have ordered the House Sergeant-at-Arms to coordinate with law enforcement agencies and prepare appropriate security arrangements for his return,” dagdag niya.
Ipinaalala rin ni Romualdez na paso na ang authority to travel ni Teves sa labas ng bansa kaya dapat na siyang umuwi. —FRJ, GMA Integrated News