Aksidenteng nabaril at napatay ng isang babae na tatlong-taong-gulang ang kaniyang ate na apat na taong gulang sa kanilang bahay sa Houston, Texas.
"The three-year-old gained access to a loaded, semi-automatic pistol," ayon kay Harris County Sheriff Ed Gonzalez sa ulat ng Agence France-Presse.
Ayon sa pulisya, nangyari ang trahedya noong Linggo, at mayroong limang nakatatanda sa bahay--kasama ang mga magulang ng mga bata--nang mangyari ang insidente.
Nang makadinig umano ng putok ang miyembro ng pamilya, kaagad na nagtungo ang mga ito sa kuwarto at nakita ang biktima na "unresponsive," sabi pa ni Gonzalez.
Ayon sa pulisya, lumilitaw na "unintentional" ang pangyayari.
"It just seems like another tragic story of a child gaining access to a firearm and hurting someone else," ani Gonzalez.
Batay umano sa Pew Research Center, tinatayang 40 percent ng kabahayan sa US ang may baril, at karamihan ay may mga nakatirang bata.
Pero kalahati umano sa naturang kabahayan ang maituturing maingat na itinatago ang mga baril, sabi ng Johns Hopkins University's School of Public Health.
Nitong nakaraang taon, mahigit 44,000 firearm death ang naitala sa Amerika.
Noong Mayo 2022, aksidenteng nabaril at napatay ng isang dalawang-taong-gulang na anak ang kaniyang 26-anyos na ama sa Florida.
Batay sa Gun Violence Archive, pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga kabataang edad 18 pababa ang pamamaril noong 2022 na umaabot sa 1,700 kaso.
Sa naturang mga insidente, 314 na kaso ay edad 11 pababa ang biktima.
Ayon kay Gonzalez, maaari sanang maiwasan ang insidenteng nangyari sa batang magkapatid.
"You've got to be sure you're being a responsible gun owner, securing your weapons in a safe place. It's got to be more than just telling young kids not to touch the weapons," anang opisyal. -- AFP/FRJ, GMA Integrated News