Higit pa sa trabaho ang natanggap na biyaya ng isang lalaking dating kitchen helper matapos siyang magwagi ng P75.2 milyon sa Grand Lotto 6/55.
Ayon sa Facebook post ng Philippine Charity Sweepstakes Office, nakuha ng 49-anyos na mananaya ang suma total P75,248,476.20 noong Marso 1 mula sa ginanap na Grand Lotto 6/55 draw noong Pebrero 27.
Ang naturang winning combination ay 09-08-05-01-30-52 na tinayaan niya sa isa sa lotto outlets sa Novaliches, Quezon City.
Ayon sa mananaya, nakuha niya ang mga numero base sa mga random phone numbers sa kaniyang contact list.
Mahigit 25 taon nang tumataya sa lotto ang lalaki, na naniniwalang dumarating ang swerte sa mga tao sa tamang panahon.
“Noon pa man, naniniwala na po talaga ako sa lotto kasi dalawang beses na po akong nanalo ng five (5) digits. Madalas naman hindi rin ako nakakataya kasi walang budget pero hindi po ako nawawalan ng pag-asa dahil alam kong may swerte pa ring darating sa atin. At ito na nga po yun. Salamat po,” anang mananaya.
Ikinuwento ng mananaya ang kaniyang pinagdaraanan, at kung ano ang kaniyang gagawin sa kaniyang napanalunan.
“Ngayon po kasi wala akong trabaho. Hindi po kasi sapat ang kita [doon] sa restaurant na pinanggalingan ko kaya naghahanap-hanap ako. Ngayon, napakalaking pera nitong hawak ko at ang magiging trabaho ko ay gamitin ito ng tama. Negosyo at lupa po siguro ang uunahin ko at itutulong ko rin po sa mga kamag-anak ko.”
Ang Grand Lotto 6/55 ay ginaganap kada Lunes, Miyerkoles, at Sabado.
Ayon sa Republic Act No. 1169, may isang taon mula sa araw ng draw ang mga nagwaging mananaya para kunin ang kanilang premyo, ngunit magiging forfeited at ibabahagi sa PCSO Charity Fund kung hindi kinuha.
May 20% tax sa ilalim ng TRAIN law ang mga premyong lumalampas ng P10,000. —VBL, GMA Integrated News