Patay ang isang barangay kagawad sa Maynila matapos siyang pagbabarilin ng isang sundalong AWOL (absent without leave) sa loob ng isang beerhouse sa Malate, Manila. Ang suspek, napikon daw sa biktima.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing nakuhanan ng CCTV camera ang krimen na nangyari dakong 10:00 am kanina.
Sa kuha ng CCTV, nakita ang suspek na si Rolly Ibañez Algarme habang may itinatagong baril sa kaniyang likuran. Ilang sandali lamang, pinaputukan niya na ang biktimang nasa lamesa na si Jesus Carmona, 47, Barangay kagawad at residente ng Parola, sa Tondo, Manila.
Nakatayo pa si Carmona at nagtangkang tumakbo pero tinamaan siya ni Algarme hanggang sa bumagsak sa siya sahig.
"Tatlong bala ang tumama kay kagawad, isa sa kamay, isa sa hita, isa sa likod, ayon kay Police Lieutenent Colonel Leandro Guttierez, Manila Police District - Ermita.
Natamaan naman ng ligaw na bala ang katabing babae ni Carmona.
Tumakas ang suspek sakay ng kotse pero inabutan siya ng mga pulis matapos maipit sa trapik. Wala nang nagawa si Algarme kung hindi ang sumuko.
Dati umanong miyembro ng Philippine Army ang suspek na nakatira sa Mandaluyong City. Sinisikap pang makuhanan siya ng pahayag, ayon sa ulat.
Ayon sa pulisya, napikon si Algarme nang sabihin ng biktima na wala siyang magagawa nang ma-clamp ng Manila Traffic at Parking Bureau ang kaniyang sasakyan sa harapan ng beerhouse.
"Si Kagawad daw po ang nagturo kung saan siya dapat mag-park pero paglabas niya, naka-clamp na 'yung sasakyan niya,” ani Guttierez. —Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News