Natagpuan na walang buhay sa Taguig City ang frat member na nagmaneho umano ng sasakyan na pinaglagyan ng bangkay ng Adamson University student na si John Matthew Salilig bago siya inilibing sa mababaw na hukay sa Cavite.

Ayon sa ulat ni Chino Gaston sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes, isang alumni na ang naturang Tau Gamma Phi fraternity member, na hindi na tinukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan bilang respeto sa nagluluksang pamilya.

Sinasabing nagpatiwakal umano ang naturang frat member.

 

 

Nasa pangangalaga na rin ng pulisya ang green AUV na iminaneho umano nito para isailalim sa pagsusuri.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pumanaw si Salilig habang pabalik sa Maynila mula sa Biñan, Laguna kung saan isinagawa ang tinatawag na "welcoming" rites sa biktima bilang kasapi ng fraternity.

Sakay umano si Salilig ng SUV nang pumanaw at inilipat sa AUV bago inilibing at iniwan sa mababaw na hukay sa Imus, Cavite.

"Kasama siya, ito eh alumni na ito, hindi na ito enrolled. Kasama siya, siya ang nag-drive nito na sasakyan na ito [AUV], unfortunately hindi na natin siya naabutan na buhay," sabi ni Police Leiutenant Colonel Virgilio Jopia, Binan-PNP, sa ulat ng GMA News "24 Oras."

Nasa kostudiya rin ng pulisya ang SUV.

Samantala, nakausap na rin ng pulisya ang sinasabing master initiator na si Daniel Perry, na isasailalim sa inquest proceedings sa Sabado.

Kung kailangan o may kakilala na nangangailangan ng makakausap, maaaring tumawag sa Hopeline, ang 24/7 suicide prevention hotline na (02) 804-4673; 0917-5584673

--FRJ, GMA Integrated News