Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Miyerkules na palalawigan muli hanggang December 31, 2023 ang prangkisa ng mga operator ng tradisyunal na jeepney. Pero itutuloy pa rin daw ng transport group na Manibela ang kanilang isang linggong tigil-pasada simula sa Lunes, Marso 6.

Sa press briefing, sinabi ni LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III, na maglalabas sila ng bagong memorandum circular na nagsasaad ng pagpapalawig ng deadline ng prangkisa para sa mga tradisyunal na jeepney hanggang December 31, 2023.

Nakatakda sanang mapaso ang naturang mga prangkisa sa darating Hunyo 30.

Ginawa ni Guadiz ang pahayag ilang araw bago ang nakakasang isang linggong tigil-pasada ng transport group na Manibela simula March 6 hanggang March 12.

Nagbigay din ng pahayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi "urgent" ang planong modernization program para sa mga jeep. Bukod pa rito ang planong imbestigasyon ng gagawin ng Senado tungkol sa isyu.

Ayon kay Guadiz, hindi na-pressure ang LTFRB sa bantang welga ng transport group kaya palalawigin ang prangkisa ng mga tradisyunal na jeepney.

“To be honest there is no pressure for us for this strike because more than 90% of the transport groups have signified their support to the program of the LTFRB,” anang opisyal.

“[I]n deference to the Senate resolution of Senator Grace Poe and to the request of the secretary of the Department of Transportation, we will be extending the deadline to allow the transport sector more time to consolidate,” dagdag niya.

Sa kabila ng pahayag Cadiz, sinabi ni Mar Valbuena, chairperson ng Manibela, sa panayam ng dzBB’s Super Radyo, na tuloy ang kanilang tigil-pasada.

Ayon kay Valbuena, hindi pa niya nakikita ang kopya ng dokumento pero may nakapagsabi umano sa kaniya na hindi kasama sa mga tinalakay ang solusyon sa kanilang mga karaingan.

“2021 pinutol ang consolidation. May mga iba-ibang transport cooperative tapos nung pinutol 'yun, di kami natapos, basura na. Back to zero. Ngayon, kung gusto namin sumali, po-proseso ulit kami pero doon na sa naunang kooperatiba na nag-comply,” aniya.

“Ano implications nito? Hindi na kami magiging kooperatiba. 'Yung mga miyembro po namin na kasama sa kooperatiba sasali sa existing kooperatiba na naunang nakapag-comply o napayagan. Ano mangyayari don? Magmi-miyembro na naman kami….May membership fee na naman. Panibagong gastos ulit,” paliwanag niya.

Ayon kay Valbuena, nasa 40,000 public utility vehicles (PUV) ang sasali sa welga na maaaring magparalisa sa transportortasyon sa Metro Manila.

Sa ilalim ng programang modernisasyon ng PUV, inoobliga ang mga operator at driver ng mga tradisyunal na jeepney na magbuo o sumali sa kooperatiba para makakuha ng prangkisa, at ng mas mahal, moderno at environment-friendly na jeepney.— FRJ, GMA Integrated News