Isiniwalat ng isang sumukong miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity ang hirap na dinanas ng nasawing Adamson University chemical engineering student na si John Matthew Salilig sa kamay ng kaniyang "kapatiran." Binalak pa raw ng mga kasama niya na sunugin o itapon sa ilog ang katawan ng biktima.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, inamin ng suspek na miyembro ng Adamson University chapter ng fraternity na kasama siya sa dapat sana'y "welcoming" rites lang para sa third-year student na si Salilig, na nauwi sa trahediya.

Dahil miyembro na umano ng naturang fraternity sa Zamboanga si Salilig kung saan siya nanggaling, inaasahan na hindi na siya sasalang sa initiation, at welcoming rites lang dapat ang gagawin sa kaniya sa isang bahay sa Biñan, Laguna.

Pero paliwanag ng sumukong suspek, "‘Pag Adamson kasi kapag welcome, back to zero. Kasi ako rin po galing lang akong community, winelcome lang din ako. Repeat the process lang dun. Ang nawawala lang is yung mga rituals, paddle lang.”

Ayon sa awtoridad, batay sa pahayag ng mga testigo, nasa 70 hampas ng paddle ang tinamo ni Salilig. Umabot naman umano sa 18 ang dumalo sa naturang aktibidad.

Sa hirap na tinamo, sumuka at napaipot umano si Salilig, ayon sa pulisya. Bagaman nalampasan ang mahirap na proseso, habang nasa sasakyan at pabalik na ng Maynila nang mag-seizure umano si Salilig at bawian ng buhay.

Tinangka raw ng mga kasamahang miyembro ng frat na i-revive si Salilig pero nabigo sila.

“Noong wala na talaga, sabi 'tol 'pag lumabas 'yan puputok tayo'. Sabi itago na lang. I-dispose na lang. Sabi nung isa dalhin sa ospital, sabi, 'tol hindi na negat na nga eh'. Meron 'yung itatapon sa ilog, sa dagat, ililibing o iiwan lang,” ayon sa sumukong frat member.

“Maraming fingerprints ang brod na nakahawak don kasi 'di siya nagpunas, 'di siya naligo after no'n. Nagpalit lang siya ng damit. Gusto sana sunugin pero 'di na ginawa," patuloy niya.

"Pasensya uli kung late na akong lumutang. Sorry talaga,” sabi pa ng suspek.

Matapos na iulat na ilang araw nang nawawala si Salilig, nakita ang kaniyang bangkay sa mababaw na hukay sa Imus, Cavite.—FRJ, GMA Integrated News