Sapul sa CCTV ang maaksyong habulan ng dalawang kotse sa Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing bago ang habulan nagkabanggaan na pala ang dalawang kotse. Tumakas umano ang isa kaya nagkahabulan.
Sa ulat ni Nico Waje, makikita sa video na hinahabol ng grey na koste ang isang pulang kotse.
Sa isa pang anggulo ng CCTV, nagpang-abot ang dalawang sasakyan at nagkagitgitan.
Bumaliktad ang kotseng grey at umikot sa linya ang pulang kotse pero agad naka buwelo saka humarurot paalis. Humabol ang driver ng grey na kotse pagkalabas nito sa bumaliktad niyang sasakyan.
Pumasok sa mga eskinita ang pulang kotse hanggang makarating sa G. Tuazon. Dito na siya inabutan ng isang pulis na nakasibilyan na humabol sa kanya. Hinuli ang driver ng pulang kotse.
Sa salaysay ang pamilyang may-ari ng grey na kotse, una silang binangga ng pulang kotse sa España Boulevard.
Nang kausapin ng may-ari ng grey na kotse ang driver ng pulang kotse, sinabing nanghingi ito ng pasensya kasi may deperensya umano ang kanyang sasakayan.
Pinilit umano ng driver ng nakabanggang kotse na iatras ang kanyang sasakyan kahit sinabihang huwag galawin at tatawag muna ng pulis.
Hindi umano nagpapigil ang driver ng kotseng pula, umatras saka humarurot hanggang sa magkahabulan.
Hinabol na ng anak na lalaki ng may-ari ng kotseng grey ang humabol sa kotseng pula.
Kwento naman ng pulis na nakahuli sa suspek na driver, nagkataon na nagbabantay siya sa kanyang restaurant nang mapangsing sira-sira ang humaharurot na kotse.
"Napansin ko may humarurot na sasakyan na parang may mga humahabol. Napansin kong wasak ang bumper niya ... sabi ko baka nakadisgrasya. Pagtapat sa akin, nakita kong may mga humahabol, hinabol ko na rin. Nang ma-corner ... at huminto ang suspek nang matutukan ng baril ng isa pang pulis na kasama sa mga humahabol. Doon na namin napalabas sa sasakayan," ayon kay P/Maj. Pidencio Saballo, Jr.
Ayon sa suspek na nagpakilala lamang na John, 20-anyos, "First time kasing nangyari sa akin yun, kaya naguluhan, natakot at gusto ko lang makaalis, pero mali talaga ... what I did."
Ayon sa ulat, walang plaka ang kotse ng suspek at citation ticket lamang ang hawak niya, ibig sabihin umano, hindi pa niya natutubos ang kanyang lisensya dahil sa isang traffic violation.
Hawak ngayon ang suspek ng Manila Dustrict Traffic Enforcement Unit. —LBG, GMA Integrated News