Dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR) ang isang lalaking nagbebenta umano ng murang sasakyan gamit ang mga pekeng dokumento. Ang biktima, nakilala ang suspek sa social media.
Ayon sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang surveillance video ng NBI sa aktuwal na negosasyon na isinagawa nilang operasyon.
Ang suspek na si Edmar Tupasi, nagpakilalang miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon sa biktima, Sepyembre nitong nakaraang taon nang bentahan siya ng murang sasakyan ng suspek na nakilala niya sa social media. Kalaunan, napag-alaman niya na peke ang mga papeles na kaniyang tinanggap.
"Napakagaling, maeengganyo ka sa explanation nila. Na-shock ako, bigla ako nanlumo. Bigla akong napaiyak nang malaman kong fake ang mga dokumento," pahayag ng biktimang si "Rommel".
"It turned out na yung chattel mortgage ay falsified, ibig sabihin 'di pa ito bayad. Nang itinuro siya ng complainant, nalaman natin na, malungkot man sabihin, siya pala ay isang govt employee na aktibo pa," sabi ni NBI Regional Operations Service Assistant Director Attorney Angelito Magno.
Narekober mula sa suspek ang ilang pekeng identification cards na ibang pangalan ang kanyang ginamit. Gumamit din ng wig ang suspek para mag-iba ang kaniyang itsura.
Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng suspek.
Nahaharap siya sa kasong estafa through falsification of public document, use fictitious name, falsification of public document, at kasong administratibo sa Coast Guard.
Nanawagan naman si Magno sa iba pang posibleng nabiktima ng suspek na magtungo sa kanilang tanggapan.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News