Labis na ikinatuwa ng mga rescuer ang pagkakaligtas nila sa isang babae na 17-anyos na 10 araw na nasa ilalim ng gumuhong apartment building sa Turkey.
Ayon sa Reuters, sinabing nakuha ang dalagita sa hilara ng mga apartment building na gumuho sa lalawigan ng Kahramanmaras, batay sa ulat ng TRT Haber.
Gabi noong Pebrero 6 nang yanigin ng 7.8 magnitude earthquake ang Turkey at katabi nitong bansa na Syria.
Umabot na sa mahigit 41,000 ang naitalang nasawi sa dalawang bansa dahil sa lindol. Mahigit 36,000 sa mga nasawi ay nasa Turkey.
Sa footage, makikita na ibinalot sa thermal blanket ang dalagita matapos makuha sa guho at dinala sa ospital.
Nitong Miyerkules, pito pa ang natagpuang buhay ng mga rescuer sa Turkey.
Itinuturing ding himala ang pagkakaligtas ng isang 62-anyos na diabetic na nanatiling buhay matapos matabunan ng guho sa loob ng 187 oras sa Turkey.
Ang isa sa kaniyang naging paraan para mabuhay ang pag-inom sa sarili niyang ihi.
Sa ngayon, wala pang naibibigay na datos ang Turkey at maging ang Syria kung ilan pa sa kani-kanilang mga kababayan ang nawawala.
Maraming pa ring pamilya ang naghahanap sa kanilang nawawalang mga mahal sa buhay.
“I have two children. No others. They are both under this rubble,” saad ni Sevil Karaabdülo?lu, habang hinahalungkat ng mga excavator ang mga malalaking bato at mga bakal mula sa mga gumuhong gusali sa lungsod ng Antakya.
Pinapaniwalaan na nasa 650 katao ang nasawi nang gumuho ang Renaissance Residence building nang tumama ang lindol.
“We rented this place as an elite place, a safe place. How do I know that the contractor built it this way? ... Everyone is looking to make a profit. They’re all guilty,” ani Sevil.
Una nang nangako ang pamahalaan ng Turkey na iimbestigahan ang pagguho ng maraming gusali sa kanilang bansa.--Reuters/FRJ, GMA Integrated News