Inilabas na ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Biyernes ang wanted poster ng anim na suspek sa pagkawala ng mga sabungero sa Manila Arena noong nakaraang taon.
Kinilala ang mga suspek na sina Julie Patidongan o Dondon, Mark Carlo Zabala, Roberto Matillano Jr., Johnry Consolacio, Virgilio Bayog, at Gleer Codilla o Gler Cudilla.
May alok ang pulisya ng P1 milyon sa bawat suspek o kabuuang P6 milyon.
Mayroon na ring mga warrant of arrest na inilabas laban sa mga suspek para sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention.
Ayon kay CIDG chief Police Brigadier General Romeo Caramat Jr., ilalagay ang poster ng mga suspek sa lahat ng PNP units, matataong lugar, social media, at website ng CIDG.
Humingi ng tulong si Caramat sa publiko para madakip ang mga suspek.
Ang mga nawawalang sabungero sa Manila Arena ang tinatawag na "Case 1." Mayroong pang pitong kaso ng nawawalang mga sabungero ang iniimbestigahan ng CIDG-Special Investigation Task Group "Sabungero".
Sa ngayon, Cases 1 at 8 pa lang ang pormal na reklamong naisasampa ng pulisya. Ang Case 8 ay kaugnay sa pagdukot at pagkawala ng e-sabong master agent na si Ricardo Lasco.
Mga pulis ang sinampahan ng mga kasong kidnapping, serious illegal detention, at robbery sa kaugnay sa pagkawala ni Lasco. —FRJ, GMA Integrated News