Patay ang tatlong tao, habang sugatan ang apat na iba pa sa walang habas na pamamaril ng isang lalaki sa kanyang mga kapitbahay sa Caloocan City.
Ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, naburyong lamang umano ang suspek (na hindi pinangalanan), kaya nagawa ang krimen.
Sa ulat ni Jonathan Andal, sinabing nabulabog ang mga residente ng Brangay 10 at 11 sa Caloocan City nang umalingawngaw ang mga putok ng baril pasado alas-sais y medya nitong Miyerkoles ng gabi.
Sa kabuuan, tatlo ang patay at apat ang sugatan sa pamamaril ayon sa Caloocan Police.
Dagdag ng ulat, nagpaulan umano ng bala ng baril mula mismo sa bahay niya at naka-puwesto sa may veranda ang suspek.
Agad na naaresto ang suspek na isang negosyante, na napasuko sa tulong ng kapitan ng kanilang barangay .
Ang ginamit ng suspek sa pamamaril ay shotgun at 9mm pistol na higit 20 beses niyang pinaputok batay sa mga basyo ng bala na nakuha sa crime scene.
May nakuha pa sa kanya na cal. 38 na baril at mga bala.
Ayon sa mga pulis ang dawang handguns ay may mga lisensya pero paso na. Ang shotgun ay walang lisensya.
Ayon sa barangay captain, nagpunta pa sa brangay hall ang suspek bago ang pamamaril upang ireklamo ang mga basurang plastic na sinusunog daw sa gilid ng bahay niya.
Pero muling bumalik sa barangay hall para idulog na man ang iba pang mga bagay. May tao daw na kumukuha ng picture sa kanya, ayon sa barangay captain.
Dagdag ng ulat, may napansin umano ang mga kapibahay sa suspek noong umaga bago ang pamamaril.
Aligaga umano at lakad ng lakad, ayon sa isang residente.
Sa presinto, sinabi ng suspek kung bakit niya nagawa ang pamamaril.
"Wala, ano na yung isip ko e. Magulo na ang isip ko e. Parang naburyong na ako. Ano pa ba ang masasabi ko, nangyari na," pahayag ng suspek.
"Definitely, isa-subject natin siya sa drug test para malaman natin baka nagda-drugs yung ato," ayon kay Police BGen. Ponce Rogelio Peñones, Director, Northern Police District.
Patung-patong na reklamong murder, frustrated murder at illegal possession of firearms ang kakaharapin ng suspek. —LBG, GMA Integrated News