Isang babae ang umano'y niloko at kalauna'y kinikilan ng isang dayuhang nakilala niya sa dating app.
Ayon sa eksklusibong ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend, nakilala ni "Sarah" (hindi niya tunay na pangalan) ang isang African American sa isang dating app, nguni't ang halos dalawang linggong pag-ibig ay nauwi sa matinding bangungot.
Isang araw bago ang kanilang pinlanong weekend getaway sa probinsiya—kung saan nagbigay na si Sarah ng pera—nakatanggap siya ng mensahe galing sa lalaki habang ito raw ay nasa furniture store.
"[He said] both his cards were not working, and he needed me to transfer money to him. I already had a bad feeling about it, na medyo ang laki ng amount," sabi ni Sarah.
Nang hindi raw siya nagpadala ng pera, nagsimula nang manakot ang dayuhan sa kanya.
"[Y]ou're a nice person and I didn't mean no harm since you wanna be rude to me, you have until 12am send 40k to the [mobile wallet] and I'll delete your nudes or watch me send it to all your friends on facebook [sic]," sabi ng isang text ng lalaki.
"I have deactivated my accounts, even my social media, because he was able to get into my social media. He has checked my contacts. 'Yun ang bina-blackmail niya after I wouldn’t transfer more money to him," saad ni Sarah.
Ito raw ay "classic" catfishing, ayon kay NBI Cybercrime division chief Chris Paz. "Ito po 'yung paggawa ng fake online account or profile para po makapag biktima, at eventually po ang purpose nito ay para kumita o hingan ng pera itong would-be victim," ani Paz.
"Sa kabutihan po ay hindi natuloy ang pagme-meet up nila. Hindi natin alam kung anong maari pang gawin ng scammer na ito sa biktima."
Kahit verified accounts daw ay maaaring makompromiso. Iniimbestiga na ng NBI Cybercrime ang kaso.
"Mag-ingat po tayo, at lagi tayo maging mapanuri. Huwag na huwag po nating ibigay ang personal information sa mga ka-online na date natin," dagdag ni Paz.
"Pag iyong online boyfriend ay nanghihingi na ng pera ay sigurado po red flag iyan, scam po iyan. Huwag na huwag po kayo magbibigay ng pera at huwag kayo maniniwala sa anong drama." — BM, GMA Integrated News