Naglabas na ang National Bureau of Investigation (NBI) ng subpoena laban kay Luis Manzano kaugnay ng mga reklamo tungkol sa umano'y investment scam sa Flex Fuel Petroleum Corporation. Nauna nang itinanggi ng aktor ang mga bintang na kasama siya sa mga nagpatakbo ng kompanya.
Ayon sa ulat ni John Consulta sa “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing dinala ng ilang miyembro ng NBI ang subpoena sa bahay ng aktor sa Taguig City.
Nasa 40 katao--kabilang ang ilang overseas Filipino workers--na naglagay umano ng puhunan sa nasabing kompanya ang nagsampa ng reklamong estafa laban kay Manzano at iba pang personalidad dahil sa investment scam.
“Pumasok po sa amin si Luis Manzano at nagpakilalang owner at chairman ng FlexFuel. Ito raw po ay isang lifetime business, pandemic-proof business, kaya po napakaganda po,” sabi ng isa sa mga nagpasok umano ng puhunan na itinago sa pangalang Leo, isang OFW.
“Ako po ay nag-loan sa bangko upang maipadala sa FlexFuel para sa investment. Nitong April 2022, nakalipas ang anim na buwan wala pa rin po silang natatayong gasoline station, hanggang sa ngayon po wala pa silang natatayong gasoline station kahit isa,” dagdag niya.
Sinabi naman ng isa pang nagrereklamo na si Jinky Sta. Isabel, papayag silang iurong ang reklamo kung maibabalik ang ipinasok nilang pera sa kompanya.
“Ibalik na niya ang pera namin, kahit principal. 'Yung buong pera lang namin na dineposit namin sa account niya. Kahit wala na 'yung kinita, wala na 'yung interest. Di na kami magsasampa ng kaso,” sabi ni Sta. Isabel.
Nauna nang itinanggi ng FlexFuel ang mga alegasyon at iginiit na hindi sila sangkot sa anumang investment scam. Anila, naapektuhan ang kanilang negosyo ng external factors na hindi nila kontrolado kabilang na ang COVID-19 pandemic.
Sinisikap ng GMA News na makuhanan ng pahayag si Manzano na nauna na ring itinanggi na kasama siya sa pamunuan ng kompanya. Ayon sa aktor, nawalan din siya ng pera sa investment.
“Patuloy pa rin naming kinukuhanan ng statement itong mga dumarating na complainants. Ongoing pa rin ang aming verification and we want to be exhaustive and thorough sa aming investigation,” sabi ni NBI Spokesperson Giselle Garcia-Dumlao.
“We would like to observe fairness din sa aming investigation. That's why gusto rin naming bigyan ng opportunity itong mga respondents to give their side dito sa mga kaso na sinasampa,” dagdag niya. --Sundy Mae Locus/FRJ, GMA Integrated News