Nagtipon-tipon kaninang umaga sa Manila Memorial Park sa Parañaque City ang ilang kaibigan, kamag-anak at tagasuporta ng namayapang dating Pangulong Benigno 'Noynoy' Aquino III, para gunitain ang kaniyang ika-63 taong kaarawan.
Kabilang sa mga dumalo sa idinaos na misa ang mga kapatid ni Noynoy na sina Ballsy Aquino-Cruz at Viel Aquino-Dee, gayundin sina dating Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, dating Presidential Management Staff (PMS) head Julia Abad, dating Communication Sec. Edwin Lacierda, dating Undersecretary Abigail Valte, at Renato Marfil, Oriental Mindoro Rep. Alfonso Umali, at Basilan Rep. Mujiv Hataman.
Sa social media, nag-post din ang mga kaibigan at kaanak ng namayapang dating pangulo ng pagbati at pagbabahagi ng mga katangian nito na hindi nila malilimutan.
“Remembering an exemplary public servant in prayer today. Happy Birthday, Pres Noy,” post ni dating Vice President Leni Robredo sa Facebook post.
Pinasalamatan naman ni dating Senador Bam Aquino ang kaniyang pinsan na si Noynoy sa pagiging “inspiration, his honesty, and love for his country.”
Nami-miss naman umano ni Valte ang mga "jokes" ng dating pangulo.
Si dating senador Panfilo Lacson, sinabing nami-miss si Noynoy na “who called me and every Filipino his ‘Boss.’”
Sabi naman ni dating senador Antonio Trillanes IV, “Bilang pangulo, hindi sya naghanap ng pagkakakitaan. Hindi sya naghangad ng RevGov o ChaCha para manatili sa pwesto. Hindi sya nang-api ng kapwa. Nanilbihan lang sya nang mahusay at tapat. Happy Birthday, Mr. President!”
Sa FB post, binalikan ni Hataman ang kontribusyon ni Noynoy upang makamit ang kapayapaan sa Mindanao.
"Sa termino niya bumalik sa 'peace table' ang MILF [Moro Islamic Liberation Front] at pamahalaan. Kung ano man ang Bangsamoro ngayon, malaking bahagi nito ay ang efforts ni PNoy na wakasan na ang digmaan sa Mindanao at manaig ang kapayapaan," ano Hataman na nagsilbing regional governor ng dating ARMM o Autonomous Region for Muslim Mindanao.
Malaki rin umano ang naitulong ni Noynoy sa Basilan para mawakasan ang terorismo sa lalawigan sa pamamagitan ng mga ipinatupad na mga infrastructure at livelihood projects.
Sa video post sa FB page ni Aquino, ibinahagi ng kaniyang mga kaanak ang mga pagiging "caring, good and giving" person ng namayapang dating pangulo.
Pumanaw si Aquino noong June 24, 2021 dahil sa renal disease secondary to diabetes. Nanungkulan siya bilang lider ng bansa noong 2010 hanggang 2016.—FRJ, GMA Integrated News