Nasaksihan mismo ng NBA legend na si Kareem Abdul-Jabbar ang ginawang pagwasak ni Los Angeles Lakers star LeBron James sa kaniyang all-time scoring record sa regular-season.
Sa third quarter ng laban ng Lakers vs Oklahoma City Thunder, bumanat ng 20-foot fallaway shot si LeBron sa harap ng mahigpit na depensa ni Kenrich Williams.
Nang pumasok ang naturang tira, naghiyawan na ang mga tao at sandaling itinigil ang laban para kilalanin ang bagong NBA's all-time scoring record na sumira sa 38,387 career regular-season points na hawak ni Abdul-Jabbar.
Nasa ringside si Abdul-Jabbar, tumayo at pumalakpak matapos na basagin ni LeBron ang kaniyang record.
"Everybody that has ever been a part of this run with me the last 20-plus years, I want to say thank you so much because I wouldn't be me without all y'all. All y'all helped. All y'all's passion and sacrifices helped me to get to this point," sabi ni LeBron.
"And to the NBA to Adam Silver, to the late great David Stern, thank you very much for allowing me to be a part of something I always dreamed about. I would never in a million years dreamt this to be even better than what it is tonight. So (expletive) man, thank you guys," patuloy niya.
Ilang celebrity ang nanood sa naturang laro kabilang ang tennis legend na si John McEnroe, music stars Jay-Z, LL Cool J at Bad Bunny, aktor na si Denzel Washington at Lakers players Bob McAdoo at James Worthy, at iba pa.
Sa bawat laro, kumakamada si LeBron, 38-anyos, ng hanggang 30 puntos. Sa laban nito sa Thunder, kailangan niya ang 36 na puntos para maitala ang bagong record na kaniyang nagawa.
Sa pagbilang ng regular-season points, hindi kasama rito ang mga iskor ni sa playoff na umaabot sa 7,631, na pinakamarami rin sa kasaysayan ng NBA.
Nakapagtala si LeBron ng 266 career postseason games, at panalo ng apat na NBA championships.
Pero sa kabila ng tagumpay ni LeBron, bigo naman ang Laker sa Thunder sa naturang laban nila sa iskor na 133-130.—Field Level Media/Reuters/FRJ, GMA Integrated News