Patay ang dalawang binatilyo sa Quezon City matapos silang malunod sa isang ilog sa Barangay Bagong Silangan nitong Martes.
Nakilala ang mga biktima na sina Jobert Ereval, 14-anyos, at Francis Alcala, 13-anyos, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Kuwento ng ama ni Jobert na si Victor Ereval, nagkita pa sila ng kanyang anak bago siya pumasok sa trabaho. Kasama na noon ni Jobert ang kanyang mga kaibigan.
"Pinigilan ko talaga sila. Noong umalis na ako, humingi pa sa akin ng bente [pesos]. Sabi niya, 'Pa, pahingi ng bente, bibili ng kendi.' Sabi ko ibigay mo rin sa mga kapatid mo. Nandyan ang isang daan [piso]. Sabi ko bigyan mo rin mga kapatid mo," aniya.
Ayon sa taga-barangay, sumama sa picnic si Jobert kasama ang iba pang mga kaibigan. Pero tumakas daw si Jobert, Francis, at isa pang binatilyo upang mag-swimming sa ilog.
Una raw nag-dive sa ilog si Francis. Nang tila nalulunod na ito, tinangka siyang sagipin ni Jobert ngunit nalunod din siya.
Nakaligtas ang isa pa nilang kaibigan at siya ang tumakbo para humingi ng tulong.
Naging pahirapan daw ang paghanap sa mga biktima dahil malakas ang current ng tubig sa ilalim.
Maburak din daw ang ilog.
Matapos ang isang oras ay nahanap na ang mga bangkay ng dalawang biktima.
"Sobra talaga sakit sa... Hirap tanggapin. 'Di ko alam kung... Asawa ko nga nagkahimatay-matay hanggang sa ano...," saad ni Victor, ang ama ni Jobert. —KG, GMA Integrated News