Arestado sa Bonifacio Global City ang isang babae na nagpapakilalang negosyante sa isang dating app, matapos niyang tangayan ng P25 milyon ang mga naka-date niyang lalaki gamit ang mga tumalbog na tseke.
Sa ulat ni Nico Waje sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, kinilala ang suspek na si Mikaela Veronica Cabrera, na lilipat na sana sa nirentahan niyang bagong condo sa BGC.
Pero sa kulungan na ang kaniyang bagsak nang dakipin ng Fort Bonifacio Police sa bisa ng warrant of arrest dahil sa mga talbog na tsekeng kaniyang in-isyu.
Nang mahuli ang suspek, isa-isa nang nagsidatingan ang iba pa niyang biktima.
Naka-match ng mga biktimang lalaki sa isang dating app si Cabrera, na nagpapakilalang may-ari ng isang fashion styling firm.
Malambing na na makikipag-usap si Cabrera sa una, pero magpapaawa kalaunan na nalulugi ang kaniyang negosyo at kailangan niya ng tulong para maisalba ito.
Ang biktimang si Ian Tan, nagpahiram ng paunang P200,000 sa suspek, hanggang sa umabot na ito ng mahigit P10 milyon.
Para lalo pang makuha ang tiwala ng biktima, nag-isyu si Cabrera ng tseke na milyon-milyon ang halaga. Pero tumalbog ang lahat ng mga inisyu niyang tseke.
Nakilala ng isa pang biktima na si Kevin Tan sa isang dating app ang suspek.
Pagkalipas ng isang linggo, nagmakaawa si Cabrera tungkol sa negosyo umano kaya nag-alok ng tulong ang biktima.
Nagpahiram din ng P200,000 ang ikalawang biktima, at nangako ang suspek na magbabayad ito matapos ang dalawang buwan.
“I ended up lending her more. I ended up borrowing from friends also. I pawned off my car,” sabi ni Tan.
Sa kabuuan, P25 milyon ang itinakbo ni Cabrera mula sa walong complainant na dumating sa estasyon.
Nadakip si Cabrera sa pakikipagtulungan ng isang real estate agent na inisyuhan din niya ng isang talbog na tseke, na dapat sana’y bayad sa lilipatan nitong condo.
Ayon sa pulisya, itinanggi ng suspek na mayroon siyang warrant of arrest at wala siyang maalalang kaso.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek. —VBL, GMA Integrated News