Pumatok at maagang pinilahan ng mga mamimili ang isang Japanese store na tumatanggap ng mga sibuyas bilang pambayad sa kanilang mga produkto sa Panay Avenue, Quezon City.
Sa panayam ni Luisito Santos ng Super Radyo dzBB kay Misty Gamboa, Marketing Officer ng nasabing tindahan, sinabi niyang sa isang piraso ng sibuyas, maaari nang makabili ng kanilang mga paninda basta hindi lalagpas ang halaga sa P88.
LOOK: Isang Japanese store sa Quezon City, may promo ngayong araw kung saan tumatanggap sila ng bayad na sibuyas. | via @luisitosantos03 pic.twitter.com/q26EzNsvgS
— DZBB Super Radyo (@dzbb) February 4, 2023
Gayunman, hanggang tatlong item lang ang pwedeng bilhin ng bawat customer, o hanggang tatlong sibuyas lang ang maaari nilang dalhin sa tindahan.
Sinulit ng mga mamimili ang promo, at ilang bata pa ang maagang pumila para makabili sa tindahan sa pamamagitan ng mga dala nilang sibuyas.
Ayon kay Gamboa, layon ng kanilang promo na makalikom ng mga sibuyas para mai-donate sa kanilang community pantry. —LBG, GMA Integrated News