Isiniwalat ng isang bilanggo na nagpakilalang malapit umano sa suspendidong si Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag na inutusan siya ng huli na iligpit ang kapuwa preso na nasa likod ng Facebook page na bumabatikos sa kaniya. May nadamay pa raw na ibang bilanggo na napagkamalan lang.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, kinilala ang nagsiwalat na preso na si Roland Villaver, na nagsabing magkakilala na sila ni Bantag mula pa noong 2004.
“Masasabi kong close kami dahil tuwing naghe-hearing ako, bago umuwi ng Quezon City Jail, nag-iinuman muna kami. Siya ang nagbabayad, [kasama] pati mga bantay,” pahayag ni Villaver.
Nang maitalaga umano ni Bantag sa New Bilibid Prison noong 2020, nagalit umano ang opisyal dahil sa mga banat sa kaniya ng Facebook page na “Leon ng Bilibid.”
Sa taong iyon, iniutos umano ni Bantag na hanapin at iligpit ang nasa likod ng FB page.
“Ang instruction niya sa akin, lahat ng nakipag-ugnayan diyan sa ‘Leon ng Bilibid,’ tapusin para hindi na pamarisan. Patayin. Pagdating kay 'DG,' 'pag nagsalita yun, mahirap baliin. Mag-iiba ang tingin niya sa iyo,” Villaver patungkol sa director general na "DG."
Ayon pa sa bilanggo, ang dating BuCor deputy security officer na si Ricardo Zulueta ang nagpapaalala sa kaniya tungkol sa utos umano ni Bantag.
“Nag-text o tumawag yata sa akin si sir Zulueta na may tao diyan sa iyo, ang sabi nila si Leon Bilibid. Nung ibinigay sa akin ang pangalan, sabi ko, 'Ano ang gusto ninyong gagawin sir?' Sabi sa akin, 'Tapusin niyo 'yan,'” ani Villaver.
Ayon kay Villaver, nahirapan siyang kausapin ang mga kapuwa bilanggo na isagawa ang utos dahil kapangkat nila ang nais na ipatumba.
“May mga tao ako doon na inutusan, ayaw sana sumunod. Sabi ko naman sa mga tao, kailangan natin gawin, dahil kung hindi baka tayo malagay sa alanganin. Kailangan nating mabuhay,” lahad niya.
Pinatay daw ang naturang tao sa pamamagitan ng pagsuklob ng plastic sa mukha.
“Pinaano ko lang sila ng plastic, tapos nilagay sa mukha, pinatakpan ko. Hindi ko alam kung sinunod nila ang tamang proseso o yung sinabi ko, plastic muna tapos unan,” patuloy ni Villaver.
Pero ang unang tatlo hanggang apat katao na itinumba na inakalang nasa likod ng Facebook page, biktima umano ng mistaken identity.
“Pagkalipas ng ilang araw, nalaman namin, hindi naman pala 'yon si Leon ng Bilibid,” aniya.
Natukoy umano ang tunay na Leon ng Bilibid noong October 2021 na si Noel Papong, na itinumba raw ng ibang grupo ng bilanggo.
Ngayon lang daw nagkaroon ng lakas ng loob si Villaver na magsalita dahil wala na sa puwesto si Banta.
Dinala na sa National Bureau of Investigation (NBI) si Villaver, kasama ang iba pang PDL na may nalalaman tungkol sa naturang pagpatay na iniutos ni Bantag.
Una nang kinasuhan si Bantag at Zulueta sa pagkamatay ng broadcaster na si Percy Lapid at preso na si Jun Villamor.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, kabilang si Bantag sa mga opisyal na binatikos ni Lapid sa programa nito at pinasaringan tungkol sa tagong-yaman.
Pinatay ng riding in tandem si Lapid noong nakaraang Oktubre. Kinalaunan, sumuko ang sinasabing gunman na si Joel Escorial, at isiniwalat nito na ang kaibigan at preso na si Villamor ang middleman sa pagkontrata na patayin ang broadcaster.
Pero hindi nagtagal, pumanaw sa loob ng bilangguan si Villamor. Lumilitaw sa pagsusuri sa kaniyang mga labi na namatay si Villamor sa pamamagitan ng pagsuklob ng plastic sa mukha.
Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig nina Bantag at Zulueta kaugnay sa isiniwalat ni Villaver. --FRJ, GMA Integrated News