Naaresto ng mga awtoridad ang itinuturong utak ng bolt cutter gang at tatlo niyang kasabwat na sinasabing nasa likod ng pagnanakaw sa kahon-kahon na mga imported na damit na nasa isang bodega sa Maynila.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, kinilala ang naturang mastermind ng grupo na si Sadic Garangan.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang grupo na lulan ng isang van at pumarada malapit sa bodega. Napasok nila ang bodega sa pamamagitan ng pagsira sa mga lock gamit ang volt cutter.

Sa video, makikita rin na tinanggal ng mga suspek ang recorder ng CCTV sa loob ng bodega, at pagkatapos ay hinakot na nila ang mga kahon na laman ang mga imported na damit.

“Bago dumating ang produkto, inaalam na nila kung kailan darating na araw sa Pilipinas ‘yung mga produkto galing Bangladesh. Kapag dumating po sa Pilipinas, natutunton po nila ‘yung bodega kung saan nilalagay  ‘yung produkto,” ayon kay Manila Police District theft and robbery section chief Police Lieutenant Gary Gading.

Sa isang entrapment operation, naaresto ang mga tauhan ng MPD ang tatlong suspek, na nagbebenta ng ninakaw na imported na damit.

Nadakip naman si Garangan dahil itinago nito sa kaniyang bahay ang 10 kahon ng mga imported na damit.

“Nasundan namin itong mastermind dahil doon na mismo dinala niya sa sarili niyang bahay ang sampung box na sinakay niya sa inarkila niyang jeep,” ani Gading.

Itinanggi naman ni Garangan ang paratang at sinabing  pinakiusapan lang siya na itago doon ang mga paninda, at bibigyan siya ng pera.

“Bigla niya kami pinilit na pinilit, sabi pakitago itong stock, bibigyan ka naming ng porsiyento ng P5,000… lahat-lahat para sa sampung box na tinago sa bahay namin,” depensa pa niya.

Sinisikap pang makunan ng reaksyon ang tatlong iba pang naaresto.

Nasampahan na ng reklamong paglabag sa Anti-fencing ang tatlong miyembro ng grupo, habang robbery naman ang ikinaso kay Garangan. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News