Dalawang bangkay ng lalaki na nakabalot sa lambat at may mga bato na ginawang pabigat ang nakita ng mga awtoridad sa Laguna de Bay sa bahagi ng Biñan, Laguna. Nakita ang mga bangkay habang isinasagawa ang search and retrieval operation para sa umano’y nawawalang mga "drug personality."
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, sinabing isinagawa ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Naval Special Operations Group (NAVSOG) ang operasyon sa bahagi ng lawa na sakop ng Barangay Wawa.
Isinagawa ang search and retrieval operation sa lugar dahil sa ibinigay na impormasyon ng dating mga police asset kung saan umano itinatapon ang bangkay ng mga nililikidang drug personality.
Inaalam na ng NBI ang pagkakakilanlan ng dalawang bangkay, at kung kabilang sila sa mga drug personality na nawawala.
Kaugnay nito, muling sinampahan ng NBI ng panibagong reklamo ng kidnapping, serious illegal detention, robbery at paglabag sa Anti-enforced or Involuntary Disappearance Act si Police Lieutenant Colonel Ryan Jay Orapa.
Si Orapa ay dating hepe ng PNP National Capital Region Police Office-Regional Drug Enforcement Unit (NCRPO-RDEU).
Sinampahan din ng kaso ang walo niyang dating mga tauhan na sina Police Lieutenant Jesus Menes, Police Staff Sergeant Robert Paz, Police Corporal Alric Natividad, Police Corporal Troy Paragas, Police Corporal Ronald Lanaria, Police Corporal Ronald Montibon, Police Corporal Ruscel Soloman at Police Christal Rosita.
Kinasuhan din ang kaniyang limang police asset na sina Angelo Atienza, Nicasio Manio, alyas Mark, alyas Teng-teng at alyas Ambo.
Kaugnay ito sa kaso ng pagkawala nina Bren Michael Bravo at John Philip Viscara noong Abril 2021 sa San Andres Bukid sa Maynila, ayon sa ulat.
Sa kuha ng CCTV, na kasamang isinumite ng NBI bilang ebidensya sa Department of Justice, makikita ang pagpasok ng umano’y mga pulis ng RDEU sa isang paupahang bahay at sapilitang isinama sina Bravo at Viscarra.
Nakita din sa video na binitbit umano ng asset na si Angelo Atienza ang isang vault mula sa kuwarto.
Patuloy na sinisikap ng GMA Integrated News na makunan ng panig ang mga kinasuhan.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News