Mga sundalo na nakatalaga sa 1001st Brigade na pinamumunuan ni Brigadier General Jesus Durante III ang nahuli-cam na riding in tandem na bumaril at pumatay sa negosyante at modelong si Yvonette Plaza, batay sa resulta ng imbestigasyon ng pulisya. Lumilitaw din na mayroon umanong relasyon sina Durente at Plaza.
Nitong Miyerkules, nagsagawa ng pulong balitaan sa Davao City ang binuong Special Investigation Task Force Plaza upang ilahad ang naging resulta ng kanilang imbestigasyon sa nangyaring krimen noong Disyembre 28, 2022.
Sa ulat ni Jandi Esteban ng GMA Regional TV One Mindanao sa GMA News “24 Oras”, sinabi umano ni Davao City Police Office chief Police Colonel Alberto Lupaz, na "crime of passion" ang nangyari kay Plaza.
Natukoy si Durante bilang utak umano sa krimen matapos na makilala naman ng pulisya ang riding in tandem na nakuhanan sa CCTV na bumaril kay Plaza sa labas ng tinutuluyan nitong bahay.
Batay sa mga testimonya ng mga saksi, parehong miyembro umano ng 1001st Brigade ang rider na Corporal Adrian Cashero at ang sinasabing gunman na si Private First Class Delfin Sialsa.
Umamin umano sina Cashero at Sialsa sa krimen at nagbigay ng kanilang salaysay.
Si Sialso umano ang nagturo kay Durante bilang mastermind ng krimen, habang sinabi ni Cashero na ang Deputy Commander ng 1001st Brigade na si Colonel Michael Licyayo, ang nagturo sa kanila kung saan nakatira ang biktima.
Malaking impormasyon din umano ang nakuha ng mga imbestigador nang makuha nila ang mga gamit ng biktima tulad ng laptop at cellphone kung saan napag-alaman na may relasyon si Plaza at Durante.
“The affidavit of our witness saying that the victim has very sensitive information against General Durante and she used it to blackmail the respondent. So, I think we have a very strong case against the mastermind,” ayon kay Police Regional Office 11 director Police Brigadier General Benjamin Silo Jr.
Tumulong na rin umano sa imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) Region XI.
“After the creation of the SITG, help gathering some of the evidence like electronic evidence, cellphones, laptop, we got some witnesses to prove that there is a really a relationship of the respondent Durante and the victim of this case,” ani NBI Region XI director Atty. Arcelito Albao.
Sinampahan na ng kasong murder si Durante at walong iba pang sangkot umano sa krimen.
Sinusubukan pang makuha ang komento ng mga suspek, ayon sa ulat.
Pero dati nang itinanggi ni Durante, dating namuno sa Presidential Security Group (PCG), na may kinalaman siya sa nangyari kay Plaza na kaibigan umano niya.
Matapos nito, nadawit ang pangalan ni Durante batay sa lumabas na mga post sa social media. Pero ayon sa heneral, Abril 2022 pa ang lumatang na post na sinasabing sinaktan niya si Plaza.
"Yvonne was a friend. My name is being dragged based on an FB post made last April 2022 wherein I allegedly hurt her. She later retracted the post and issued a statement that I did not in any way harm her," ani Durante sa naunang pahayag.
"I am deeply saddened by her demise and condole with her family and friends. I, myself, demand justice for Yvonne," patuloy niya.
Sa Manila, sinabi ni Philippine Army chief Lieutenant General Romeo Brawner Jr., na inalis na sa kaniyang puwesto si Durante bilang commander ng 1001st Brigade habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon.
"The Philippine Army will not condone any criminal act committed by its personnel," ayon kay Brawner.
"As such, BGen Jesus Durante has been relieved as Commander of the 1001st Brigade, after being named as a person of interest in the murder of Yvonnette Chua Plaza, to give way to an impartial and thorough investigation," dagdag ni Brawner.-- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News