Naaresto ng mga awtoridad ang apat na drug suspects at nasabat ang mahigit P40,000 halaga ng hinihinalang shabu sa buy-ust operation sa Novaliches, Quezon City nitong Martes ng gabi.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles sinabing nang matanggap ang hudyat, agad na pinuntahan ng mga tauhan ng Novaliches Police ang isang bahay sa Barangay San Bartolome.
Naaresto ang dalawang lalaki at dalawang babae sa drug buy-bust operation. Target umano ng mga pulis ang tulak na kinilalang si Renante Justo at ang kanyang bayaw na si Edgardo Palejo.
Nahuli rin ang kasabwat ng dalawa na si Kristal Macabata, at ang naabutang umeiskor na si Celeste Luna.
Nakuha sa kanila ang mga sachet ng umano'y shabu na nagkakahalaga ng P40,800.000
Ayon sa mga pulis, kabilang si Justo sa top-10 drug personalities ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4.
Dati na umanong nakulong si Justo dahil sa pagsusugal.
"Itong si Renante Justo ay na sa PDEA watch list, PNP watch list, at sa Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) watch list din," ayon kay Police Lt. Col. Jerry Castillo, Novaliches Police Station commander.
Sa pagtataya, ayon kay Castillo, "Aabot sa P136,000 hanggang P140,000 ang naibibenta ni Husto weekly."
"No comment" ang mga kasama ni Justo na sina Edgardo, Kristal, at Celeste.
Mahaharap ang apat sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —LBG, GMA Integrated News