Nahaharap sa reklamo ang isang barangay chairman matapos niyang suntukin umano ang isang tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nangungumpiska ng mga kagamitan ng barangay sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkoles, maririnig sa video na pinost ni MMDA Task Force Special Operations and Anti-Colorum Unit head Bong Nebrija ang kaniyang pakikipag-usap habang sinisita ng kaniyang grupo ang isang DIY motorcycle car wash sa may Dagupan Street, Barangay 51 Zone 2 Martes ng umaga.
Ilang saglit pa, nagpakilala ang isang lalaking si Rommel Bravo na chairman ng barangay, at may-ari ng sinisitang car wash.
Nagkaroon ng komprontasyon, kung saan sinabi ni Bravo na sagutin niya ang kaniyang barangay at sila na ang gigiba ng mga kagamitan sa sinisitang car wash. Matiwasay namang umalis ang MMDA.
Ngunit bago nito, nanuntok umano ng tauhan ng MMDA ang chairman bago ang nakunang komprontasyon, pero hindi agad naisumbong kay Nebrija.
Nagtungo sa Manila Police District ang tauhan ng MMDA na kinilalang si Mark Anthony Medios para magsampa ng reklamo sa chairman na sumuntok umano sa kaniyang tagiliran.
Pinatawag na rin ng Department of the Interior and Local Government ang chairman matapos malaman ang pangyayari.
Sumama sa pulisya ang chairman, pero iginiit niyang hindi siya nanakit, kundi hinawi niya lamang si Medios.
Sinampahan ng kasong direct assault si Bravo at sasailalim sa inquest nitong Miyerkoles.
Tumangging magbigay ng pahayag si Bravo, na masama umano ang pakiramdam.
Patuloy na inaalam kung sa mismong barangay nakakonekta ang tubig para sa car wash at kung personal na negosyo ito ng chairman.
Sinisikap din ng GMA Integrated News na makuha ang pahayag ng MMDA. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News