Sa kinaila-ilaliman ng ating tinatapakan, inihayag ng ilang mananaliksik na posible umanong nag-iba na ang direksiyon ng ikot ng inner core ng earth, ang mainit na iron ball na kasinglaki ng Pluto. Pero may ibang teorya rin ang iba pang eksperto.
Kung tama umano ang teorya ng mga mananaliksik, posibleng salungat na ang ikot ng inner core sa direksiyon ng ikot ng iba pang planeta, ayon sa ulat ng Agence France Presse.
Sinasabing tinatayang nasa lalim na 5,000 kilometers (3,100 miles) mula sa ibabaw ng lupa, maaari umanong umikot ang "planet within the planet" dahil makalututang sa liquid metal outer core.
Pero patuloy pang pinagdedebatihan ng mga eksperto kung papaano talaga na eksaktong nakakaikot ang inner core.
Ang kaunting nalalaman umano sa inner core ay nagmula sa mga isinasagawang pagsukat sa seismic waves na nililikha ng lindol o kung minsan ay nuclear explosions, dahil nakakaabot umano ito sa middle earth.
Sa bagong lathalain ng Nature Geoscience, sinuri ang mga lindol na naganap sa nakalipas na anim na dekada para alamin ang galaw ng inner core.
Batay sa may-akda ng pag-aaral na sina Xiaodong Song at Yi Yang mula sa Peking University sa China, lumilitaw na halos tumigil umano ang ikot ng inner core noong 2009 at pumihit na sa kabilang direksyon.
"We believe the inner core rotates, relative to the Earth's surface, back and forth, like a swing," pahayag nila sa AFP.
"One cycle of the swing is about seven decades," na ang ibig sabihin ay nagpapalit ng direksiyon sa tuwing ika-35 taon, dagdag nito.
Sabi pa nila, nangyari ang pagbabago ng ikot noong unang bahagi ng 1970s, at posibleng ang susunod na "about-face" na ikot ng inner core ay mangyari sa kalagitnaan ng 2040s.
Sa ngayon, lubhang maliit pa umano ang kaalaman kung ano ang epekto sa ibabaw ng lupa sa pagpapalit ng direksiyon ng ikot ng inner core.
Pero naniniwala ang mga mananaliksik na mayroong physical links sa lahat ng Earth's layers, mula sa inner core.
"We hope our study can motivate some researchers to build and test models which treat the whole Earth as an integrated dynamic system," ayon sa mga mananaliksik.
Para naman sa ibang eksperto na hindi kasama sa naturang pag-aaralan, sinabi nito na dapat maging maingat sa umano'y natuklasan at maging sa iba pang paniniwala dahil marami pang misteryo na hindi batid sa kaluob-luoban ng mundo.
"This is a very careful study by excellent scientists putting in a lot of data," ani John Vidale, isang seismologist sa University of Southern California.
"(But) none of the models explain all the data very well in my opinion," dagdag niya.
Sa inilathalang pagsasaliksik ni Vidale noong nakaraang 2022, posible umanong mas mabilis ang pihit ng inner core, na nagbabago ng direksiyon tuwing ika-anim na taon o higit pa.
Ibinatay niya ito sa seismic waves mula sa dalawang nuclear explosions noong late 1960s at early 1970s.
Ang naturang timeframe ay nakasaad sa lathalain nitong Lunes na panahon na sinasabing nangyari ang huling pagbabago ng direkyon ng inner core.
Sabi ni Vidale tungkol dito, "a kind of a coincidence."
May iba pang teorya na nagsasabi naman na nagkaroon lamang ng matinding pagbabago sa galaw ng inner core sa pagitan ng 2001 hanggang 2013, at nananatili na muli ito sa dati.
Ang geophysicist na si Hrvoje Tkalcic sa Australian National University, naglathala ng kaniyang pag-aaral na nagmumungkahi na ang inner core's cycle ay tuwing ika-20 hanggang 30 taon, na mas maigsi sa 70 taon na nakasaad sa bagong pag-aaral.
"These mathematical models are most likely all incorrect because they explain the observed data but are not required by the data," ani Tkalcic.
"Therefore, the geophysical community will be divided about this finding and the topic will remain controversial," dagdag niya.
Dapat umanong magkaroon pa ang mas maraming pag-aaral dahil posibleng may iron ball pa sa loob ng inner core — "like a Russian doll," saad niya.
"Something's happening and I think we're gonna figure it out," ani Vidale. "But it may take a decade." -- AFP/FRJ, GMA Integrated News