Sa halip na mapadali ang kanilang buhay, naging hamon pa sa mga pedestrian ang pagtawid dahil sa "divider" na nasa isang footbridge sa Cubao, Quezon City. Ano naman kaya ang paliwanag dito ng Metropolitan Manila Development Authority?

Sa ulat ni Vonne Aquino sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, hati ang mga tao pagdating sa paglalakad sa divider sa isang footbridge sa Main Avenue.

Ilan sa kanila ang walang problema na dumaan, pero ang iba ay nag-iingat at nangangamba dahil makipot ito.

Maaari ring mauntog ang isang tao na naglalakad sa divider kapag lampas ng limang talampakan ang kaniyang tangkad.

Paliwanag ng MMDA, 2007 pa itinayo ang footbridge na gawa sa kongkreto, pero alanganin ang posisyon nito dahil nasa ilalim ito ng MRT.

"Mababa na po 'yung clearance ng bridge, kailangan pong ibaba 'yung gitna. So instead po na sirain, sayang naman po 'yung structure, we decided na iwan 'yung gitna na concrete na siyang pundasyon nitong ating tulay at ibaba na lang 'yung dalawang magkabilang tabi," sabi ni MMDA Chairman Romando Artes.

Nagplano na ang MMDA na maglagay ng plant boxes sa gitna para hindi na ito daanan ng mga tumatawid.

Ang isa namang footbridge sa Commonwealth Avenue sa Quezon City, mas malapad, mas mababa at may rampa para sa bikers, pero hindi wheelchair-friendly.

Tila napakataas naman ng isang footbridge sa Quezon City din.

"Tayo po ay nabigyan ng pondo ng DOTr (Department of Transportation) para maglagay ng mga man lift lalong lalo na 'yung ating mga senior citizens at PWDs ay makakapanik at makakababa papunta sa bus carousel natin," sabi ni Artes. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News