Patay ang isang 13-anyos na Grade 7 student sa Quezon City matapos na saksakin siya sa dibdib ng kapuwa estudyante na 15-anyos sa loob ng kanilang paaralan. Ang hinihinalang ugat ng krimen, selos.

Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing nangyari ang krimen sa labas ng silid-aral kaninang umaga.

Nagtamo ng saksak sa dibdib ang biktima na idineklarang dead on arrival sa ospital.

Naaresto ang suspek at nakuha ang patalim na ginamit sa krimen.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, posibleng selos ang ugat ng krimen.

“Parang selos po, ‘yung victim natin parang diniskartehan rin po ‘yung menor de edad na babae,” sabi ni Police Major Don Don Llapitan, Chief, Criminal Investigation And Detection Unit.

Pero depensa ng suspek, nangbu-bully umano ang biktima pero hindi nito ipinaliwanag kung paano.

Dahil menor de edad pa ito ang suspek, inilagay siya sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Pero kakasuhan pa rin siya ng murder, at itinuturing child in conflict with the law (CICL).

Iimbestigahan din ng pulisya kung paanong naipasok ng suspek ang patalim sa loob ng eskwelahan.

“Bago pumasok sa school, dapat chine-check ng guwardya at authorities ng school para ‘di makapasok ‘yung ganyang deadly weapon,” dagdag ni Llapitan.

Ikinabahala naman ng Department of Education - National Capital Region (DepEd NCR) ang nangyaring krimen sa eskuwelahan.

Tutulungan umano ng ahensiya ang pamilya ng biktima, at magkaroon ng angkop na intervention mechanism para sa suspek upang maipagpatuloy pa rin nito ang pag-aaral.

Magkakaloob din umano sila ng stress debriefing ang mga estudyante at guro na nakasaksi sa insidente. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News