Sa kabila ng naging pahayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na hindi pipigilan ng China ang mga Pinoy na mangisda sa pinag-aagawang West Philippine Sea, inireklamo ng ilang mangingisdang Pinoy ang ginawang pagtataboy umano sa kanila ng Chinese Coast Guard (CCG) mula sa Ayungin Shoal na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakita sa video ang CCG vessel 5204 at isang speed boat nito na nagtaboy umano palayo sa mga mangingisdang Pinoy.
Nasa layong 100 nautical miles mula sa Palawan Ayungin Shoal, malapit din sa Mischief Reef, na tinayuan ng artipisyal na isla ng China.
Makikipag-ugnayan umano ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga mangingisdang itinaboy para malaman ang buong detalye sa nangyari.
Ang magiging pahayag nila ay ipadadala naman sa National Task Force- West Philippine Sea at Department of Foreign Affairs (DFA), kung sakaling maghain muli ng diplomatic protest ang bansa.
"Hindi naman tama na paalisin. We will try to inquire some more. Pagkatapos saka tayo magbibigay ng conclusive statement kung ano ang nangyari," ayon kay PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo.
"May instruction na po si Admiral Abu for us to prepare yung mga parameters. Pero of course we get guidance from the DFA," dagdag niya.
Nakasadsad sa bahagi ng Ayungin ang lumang barko na BRP Sierra Madre, na ginawang himpilan ng militar.
"Nandoon po 'yung 9701 natin at saka meron tayong mga 44-meter vessel na umiikot doon. Pero alam niyo naman napakalaki ng area at hindi sa lahat ng panahon mababantayan natin 'yung mga fishermen," ayon kay Basilo patungkol sa tauhan nila sa PCG.
Nitong lang nakaraang Lunes, sinabi ni Marcos na nagkaroon na sila ng kasunduan ni Chinese President Xi Jinping, na papayagan ang mga mangingisdang Pinoy na magpatuloy sa kanilang hanapbuhay sa pinag-aagawang bahagi ng karagatan.
"It's really an agreement. China will not stop our fishermen from fishing," ani Marcos. — FRJ, GMA Integrated News