Arestado ang isang ama sa Quezon City dahil sa paulit-ulit umanong pangmomolestiya sa sa 12-anyos niyang anak. Pero bukod sa ama, kinasuhan din ang ina ng biktima dahil sa ginawa umanong pananakot sa bata nang magsumbong ito sa kaniya.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, sinabing dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation Anti-Human Trafficking Division ang 41-anyos na suspek sa nang sunduin nito ang anak sa eskwelahan.
Ayon sa NBI, mismong mga kaklase ng biktima ang naglapit sa kanilang guro sa pang-aabusong nangyayari sa biktima sa loob ng kanilang bahay.
“Nagsabi nga na totoo ang mga allegations na ito at humingi siya actually ng tulong at sinabi niya na ayaw na niyang umuwi ng bahay at natatakot siya sa kaniyang tatay dahil nga sa paulit-ulit na pang-aabuso sa kaniya,” saad ni NBI spokesperson Atty. Giselle Garcia-Dumlao.
Sumbong umano ng biktima, bago pumasok o pagkauwi galing sa eskwela ginagawa ng ama ang pang-aabuso sa kaniya.
“Nu’ng una, hinawakan siya sa maseselang parte ng kaniyang katawan hanggang naging mas malala ang mga sexual abuses na ginawa sa kaniya,” dagdag pa ni Garcia-Dumlao.
Nagsisisi raw ang ama sa kaniyang nagawa, na kinasuhan ng qualified rape, rape with sexual assault at child abuse.
“Na-tempt lang po sa kaniya… may pagsisisi, nag-usap na po kami sa pamilya na hindi na po mangyayari,” aniya.
Ayon sa NBI, damay rin sa kaso ang ina ng biktima dahil tinakot umano nito ang anak na huwag nang magsumbong sa iba.
“’Yung nanay, kinasuhan din natin ng child abuse dahil ‘yung bata nagsumbong sa kaniyang nanay, pero tinakot siya ng nanay na huwag nang sasabihin sa iba. Lumalabas na complicit din ‘yung nanay sa pang-aabuso sa bata,” sambit ni Garcia-Dumlao.
Ayon sa NBI, maaaring magsumbong sa kanilang mga tanggapan kapag may nagaganap na pang-aabuso lalo na kapag nangyayari ito sa loob ng tahanan.
“Napaka-importante na turuan natin ang mga bata to say no kapag may magtatangka na mang-abuso sa kanila, kahit sino man, kahit miyembro ng kanilang pamilya,” giit pa ni Garcia-Dumlao.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News