Arestado sa magkahiwalay na operasyon ng mga pulis ang dalawang lalaki dahil umano sa ilegal na pagbebenta ng mga hayop gaya ng piranha na ipinagbabawal sa Pilipinas.
Sa ekslusibong ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras”, sinabing nadakip ang unang suspek sa Antipolo City matapos magpanggap na delivery rider ang isang operatiba para kunin ang mga ibinebentang mga aquatic animals.
Narekober sa suspek ang ilang piraso ng mga tinatawag na common snapping turtle at ang red-bellied piranha na bawal sa bansa.
Ayon sa Philippine National Police Maritime Group, marami may hindi alam pero mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng mga isda na gaya ng piranha, na carnivorous fish.
“Ang atin pong piranha ay ipinagbabawal under RA 10654 under Section 102 at ang mga piranha po kasi ay pinangangambahan na makapunta sa ating mga katubigan at patayin ang other aquatic animals po natin,” saad ni Northern NCR Maritime Group Police Major Robert Alvin Gutierrez.
Ibinigay na sa Department of Environment and Natural Resources, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang mga narekober na piranha.
Ayon sa PNP, korte ang magdedetermina kung ano ang gagawin sa mga piranha.
“’Yung mga common snapping turtle hindi naman considered as endanger. However, all non-native na reptiles under the law kailangan pong kumuha sila ng permit,” dagdag pa ni Gutierrez.
Depensa naman ng suspek, “Matagal ko na po kasing mga alaga po ‘yun, years na. Eh nasaktuhan na ayaw ko na sila sa bahay, kaysa sa kung saan mapunta, inano ko na lang...”
Sa Quezon City naman, isang red-shouldered macaw bird ang nailigtas ng mga awtoridad mula sa suspek, na nakipag-transaksyon din sa isang undercover police.
Sabi ng suspek na isang college student, pambayad daw ng kaniyang tuition fee ang kikitain sana niya sa pagbebenta ng naturang ibon.
“Hindi ko po alam na bawal kasi po may papel po akong hawak pero hindi po pala valid,” sambit niya.
Hindi binanggit ang mga pangalan ng suspek alinsunod sa utos ng PNP.
“Ang entrapment operation po natin ay nakuha through online. So, parehas po ‘yung huli natin sa Antipolo at Quezon City, they will also be facing charges under RA 10175 or ‘yung ating Cybercrime and Prevention Act,” paliwanag pa ni Gutierrez. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News