Natagpuang patay at may tama ng bala ng baril sa ulo ang isang babae sa loob ng isang nakaparadang kotse sa Las Piñas City nitong Martes.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News “Saksi”, kinilala ng pulisya ang 29-anyos na biktima na si Jennifer Mendoza, na residente ng Tondo, Manila.
Napansin daw ng mga guwardiya sa lugar ang duguang bangkay ni Mendoza sa kotse na nasa kahabaan ng C-5 Extension sa Pulang Lupa pasado 8 a.m.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, posibleng madaling-araw pa raw binaril ang biktima sa naturang lugar at sa mismong kotse.
“Ang lumalabas kasi sa construction namin ng SOCO saka ng investigator, bumaba muna ‘yung gunman bago siya binaril sa ulo. Tapos ‘yung shell kasi mismo nasa driver seat, pati ‘yung slug nandoon sa flooring kung saan nakaupo ‘yung driver,” saad ni PNP Parañaque City Police chief Police Colonel Jaime Santos.
Bukod sa nawawalang cellphone, tinitingnan ng mga imbestigador kung may nawala sa kaniyang bag.
Natunton na rin ang rehistradong may-ari ng kotse pero lumalabas na matagal na itong naibenta.
“Maaaring robbery-holdup, maaaring relasyon,” ani Santos tungkol sa posibleng motibo sa krimen.
Agad naman nagtungo sa tanggapan ng Las Piñas Police ang ina at mga kapatid ni Mendoza.
Wala raw silang alam na kaaway ng biktima, na naulila ang dalawang batang anak.
“Hindi namin matanggap ang nangyari sa kaniya. Bakit ganoon? Hindi naman po pala-barkada ‘yan, walang inisip ‘yan kundi pamilya niya at anak niya. Kaya sobrang sakit sa amin na makikita namin na ganoon na lang,” emosyonal na pahayag ng kaniyang ina.
“Sana makonsensya ka. Isipin mo na lang ‘yung mga naiwanan niya, mga bata,” diin naman ng kaniyang kapatid.
Nagsagawa na raw ang Las Piñas Police ng backtracking sa mga lugar kung saan huling nakita si Mendoza at sa sasakyan kung saan siya pinatay. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News