Inihayag ni Pangulong "Bongbong" Marcos Jr. na bilang bahagi ng kasunduan ng Manila at Beijing, hindi umano pipigilan ng China ang mga Pinoy na mangisda sa kabila ng usapin ng dalawang bansa sa West Philippine Sea.
"Actually, I don't know how the word partnership started to be used. It's really an agreement that you will... that China will not stop our fishermen from fishing," paglilinaw ni Marcos sa mga mamamahayag habang patungo sa Davos, Switzerland para dumalo sa World Economic Forum (WEF).
Ginawa ni Marcos ang pahayag nang tanungin tungkol sa sinabi noong nakaraang linggo ng nagbitiw na si National Security Adviser Clarita Carlos, na sinusuri ng pamahalaan ang mungkahing partnership ng China sa Philippine fishing villages.
"They (China) will continue to allow our fishermen to fish in the fishing grounds that they have been to, they have used for many generations. That’s it. It's that simple," giit ng pangulo.
Matatandaan na nagsagawa si Marcos ng three-day visit sa China noong Enero 3 hanggang 5, at kabilang sa mga tinalakay niya kay President Xi Jinping ng China, ang usapin ng mga Pinoy na nangingisda sa West Philippine Sea.
Ayon kay Marcos, nangako si Xi na "that we would find a compromise and find a solution that will be beneficial so that our fishermen might be able to fish again in their natural fishing grounds."
Nagkaroon din umano ng kasunduan ang dalawang bansa na bubuo ng isang communication mechanism sa maritime issues na kabibilangan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng Pilipinas at Ministry of Foreign Affairs ng China. —FRJ, GMA Integrated News