Patay ang isang residente sa sunog sa Tondo, Maynila nitong Lunes ng madaling araw habang 40 pamilya naman ang nawalan ng tirahan, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita.
Isang residential building na dating palengke at ginawang paupahan sa Barangay 197 ang nasunog. Nagsimula raw ang sunog bandang 2:30 a.m. sa ikalawang palapag.
Bagama't hindi tumagal ang sunog, isang 30-anyos na babaeng PWD o person with disability ang nasawi.
"'Yung anak ko halos 30 years kong inaalagaan 'yan. Papaliguan mo, pakakainin mo, ipagluluto mo kung ano ang gusto niyang pagkain," ani Willy de Guzman, ama ng nasawing biktimang kinilalang si Lovely.
Tumagal ng 30 minuto ang sunog at inaalam pa ang pinagsimulan nito.
Ayon sa barangay, isang evacuation center ang inihahanda para sa mga nawalan ng tirahan. —KBK, GMA Integrated News